Dalawang wanted sa kasong paglabag sa Republic Act 7610, o Anti-Violence Against Women and Children Act, ang inaresto ng awtoridad sa magkahiwalay na operasyon sa mga bayan ng Brooke’s Point at Roxas, araw ng Martes, October 19.
Unang naaresto ng mga operatiba ng Brooke’s Point Municipal Police Station (MPS) ang isang magsasaka na wanted sa kasong panggagahasa ng menor de edad sa mismong bahay nito sa Aralar Street, Barangay Pangobilian.
Ang suspek na kinilalang si Nito Pelnido Mane, alyas “Nitoy,” 35 taong gulang, at kabilang sa Rank No. 3 most wanted ng lalawigan Palawan ay inaresto ng mga operatiba ng Brooke’s Point MPS sa bisa ng warrant na inilabas ni Judge Ramon Chito Mendoza ng Brooke’s Point Regional Trial Court Branch 165 na may petsang September 9, 2021, para sa mga kasong paglabag sa Republic Act (RA) 7610 o ang Anti-Violence Against Women and Children Act, at paglabag sa Article 266-A ng Revised Penal Code (rape).
Sa report ng Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Brooke’s Point MPS, August nang nakalipas na taon nang mag-report ang biktima tungkol pangyayari at nagsampa ng kaso laban sa suspek.
Ayon sa source ng Palawan News, nakatira ang biktima at suspek sa iisang bahay.
Bagama’t sinabi ni Mane na may relasyon sila, pinabulaanan naman ito ng noon ay menor de-edad na biktima.
“Ipinagkatiwala kasi ang bata sa kanya, sa iisang bubong lang sila nakatira may mga kasama naman sila, sabi ng lalaki may relasyon sila pero sabi ng babae, wala,” pahayag ng source.
Sa bayan ng Roxas, inaresto ng operatiba ng Roxas MPS katuwang ang 2nd Palawan Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa Sitio San Dionisio, Barangay Malcampo, si Alejandro Tabo-tabo Cadaguit, Sr., 50 taong gulang, at residente ng Brgy. New Barbacan.
Si Cadaguit na nasa Rank No. 9 most wanted sa municipal level, ay inaresto sa bisa ng warrant na inilabas ni Judge Emmanuel Q. Artazo ng Taytay Municipal Trial Court Branch 14 (Family Court) na may petsang September 15, 2021 para sa kasong paglabag sa Section 10 (A) Art. VI in Relation to Sec. 3 ( B ) ng RA 7610 at may nakalaang piyansa na nagkakahalaga ng P80,000 para sa kanyang pansalamantalang kalayaan.
Sa report ng Roxas MPS, nangyari ang insidente buwan ng September kung saan, tinutukan ng suspek ng baril ang ang kapit-bahay nitong batang lalaki na noon ay 11 taong gulang pa lamang.
“Ang bata ay tinutukan ng baril. Ito ay isang emotional at psychological abuse sa bata,” pahayag ng WCPD ng Roxas MPS.
Agad ding narecover ang baril na ginamit ng suspek at nasampahan din ng kasong paglabag sa RA 10591 noong buwan ng Setyembre ng nakalipas na taon samantalang Pebrero ngayong taon naman naisampa ang kasong paglabag sa RA 7610.
“Nasampahan na siya ng RA 10591 kasi ang baril na caliber 45 na ginamit niya. Wala ring mga dokumento yun. Huli lang nai-file ang child abuse case against sa supek kasi sumailalim pa sa mga Psychological examination sa ONP para magamit na requirements para sa pag-file ng kaso,” dagdag WCPD.
Ang mga suspek ay nasa kustodiya ngayon ng pulisya at nakatakdang ipresenta sa hukuman para sa kaukulang disposisyon.
