Jan 16, 2021

Dalawang suspek sa pananaksak sa binatilyo sa Baywalk, hawak na ng pulisya

Ang menor de edad na biktima ay residente ng Libis Road, Brgy. San Pedro. Naisugod ito sa Coop Hospital ng mga emergency responder at pulis, ngunit idineklara itong dead on arrival (DOA) bandang 12:06 a.m. ng January 3. 

Si Alyas Waway (left photo, nakatalikod) kasama ang kanyang nanay, at si Arjay Fabia (right photo) sa Station 1 ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO).  

Hawak na ng mga pulis ang dalawang suspek sa pananaksak sa isang 16 anyos na binatilyo noong gabi ng January 2, bandang 11:30, sa isang restobar sa Puerto Princesa City Baywalk, Barangay San Isidro.

Ang menor de edad na biktima ay residente ng Libis Road, Brgy. San Pedro. Naisugod ito sa Coop Hospital ng mga emergency responder at pulis, ngunit idineklara itong dead on arrival (DOA) bandang 12:06 a.m. ng January 3.

Isinapubliko ng PNP ang pangalan ng dalawang suspek — isang 18 anyos na lalaki na kinilalang si Arjay Fabia, residente ng Brgy. Langogan, at isang 16 anyos na kinilala lang dahil menor de edad bilang si Alyas Waway, nakatira sa Purok New Princesa, Brgy. Tiniguiban.

Si Fabia ay naaresto bandang 5:15 a.m. ng January 3 sa Baywalk area, samantalang si Alyas Waway ay naaresto bandang 10:20 a.m. sa mismong bahay nito sa Tiniguiban.

Ayon kay P/Cpl. Orlando Devis, imbestigador sa kaso, ang itinuturong sumaksak sa biktima ay si Alyas Waway na tumakas matapos isagawa ang krimen.

“Lumalabas sa imbestigasyon, base sa mga testimonya ng mga witness, na siya (Alyas Waway) ang sumaksak sa biktima,” pahayag ni Devis.

Sa spot report ng pulisya na ibinahagi sa Palawan News, sinasabi sa inisyal na imbestigasyon na ang biktima ay nakaupo at nakikipag-inuman sa anim nitong kaibigan sa Kina Boyet Restobar sa baywalk area nang bigla itong lapitan at saksakin sa bahagi ng kaliwang dibdib.

Base pa sa imbestigasyon ng pulisya sa mga witness, nangyari diumano ang pananaksak dahil nang malasing ang biktima ay tumayo ito at naglakad-lakad kasama ang kaibigan na si Alyas Tantan.

Sa paglalakad-lakad ay nakasalubong nila ang grupo ni Fabia kung saan sinabi ng biktima kay Alyas Tantan na ipakilala siya sa mga ito.

Matapos diumanong ipakilala, nakipag-kamay ang biktima sa grupo ng mga suspek at pagkatapos ay sinabihan ang mga ito ng: “Mga gangster kayo”.

Dahil lasing na diumano ang biktima, sinasabing pinagbabato nito ang grupo ni Fabia. Nilapitan ito para sawayin, ngunit hindi ito nakinig at hindi tumigil sa ginagawa.

Ayon pa sa imbestigasyon, matapos ang pamamato ng biktima sa grupo ng suspek ay bumalik na ito sa mga kainuman. Ang grupo naman na pinagbabato ay nagsipagtakbuhan.

Dumating si Alyas Waway na noon ay galing sa Brgy. Liwanag at sa kanya diumano nagsumbong ang isa sa mga ka-grupo nila.

Nang tanungin si Alyas Waway kung bakit niya sinaksak ang biktima, sinabi nito na inutusan lang siya ng isang Alyas Bonbon na ka-tropa nila.

“Inutusan ako ng isang Alyas Bonbon. Hindi ko alam kung bakit, nakainom din po kasi ako,” pahayag nito sa Palawan News ng kapanayamin sa Station 1 matapos maaresto.

Sasampahan si Alyas Waway ng kasong murder, ngunit pansamantala ay mananatili siya sa Bahay ng Pag-asa sa Barangay Mangingisda, ayon kay Devis.

Ito ay dahil sa Republic Act 9344 o “Juvenile Justice and Welfare Act of 2006” na nagbibigay proteksyon sa mga karapatan ng menor de edad sila man ay suspek o biktima.

 

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry