Dalawang suspek sa pagtutulak ng shabu, arestado sa buy-bust

Ang dalawang suspek sa pagbebenta ng shabu na sina Rogerito Villarta at si Jonemel Laypa na sinasabing kabilang sa street level target ng pulisya matapos silang mahuli noong Linggo ng umaga sa magkahiwalay na anti-illegal drugs operation ng PPCPO at ACTF. (Photo courtesy of Bandera Palawan)


Dalawang suspek sa pagbebenta ng pinaghihinalaang shabu ang inaresto ng drug enforcement unit ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) at Anti-Crime Task Force (ACTF) ng city government sa magkahiwalay na anti-illegal drugs operation noong Linggo ng umaga.

Unang naaresto ang suspek na si Rogerito Villarta, 22, at residente ng Sito Bucana, Barangay Matahimik, sa operasyon ng mga pulis na pinangunahan ni Police Captain Noel Manalo.

Nakumpiska mula kay Villarta ang marked money at isang pakete ng pinaghihinalaang shabu na nabili ng asset ng pulisya.

Naaresto rin sa isa pang buy-bust sa Nadayao Road, Barangay San Pedro, pasado alas nuwebe noong Linggo si Jonemel Laypa na kabilang sa street level target (SLT) ng pulisya.

Nabawi sa kanya ang marked money at isa ring pakete ng shabu na sa loob ng kaha ng posporo itinago.

Samantala, ayon kay city information officer at Anti-Crime Task Force (ACTF) program director Richard Ligad, sangkot din ang mga suspek sa serye ng mga nakawan sa lungsod, partikular na ang pagnanakaw sa Ubox ng mga motorsiklo.

Kasama ang ACTF sa naging operasyon sa dalawang suspek ng PPCPO Drug Enforcement Unit.

“Posible rin na ito ang tumitira ng mga motor na naka-park sa bay walk at sa sports complex. Grupo na ang mga ito, eh. Kaya napaka-delikado,” sabi ni Ligad.

Aminado naman daw ang mga suspek dito dahil ipinakita nila kung papaano nila nabubuksan ang Ubox ng motor na nagagawa nila ng wala pang 10 segundo.

Posible rin daw na may grupo na ang mga suspek at dumadayo pa sa ibang lugar para doon naman mambiktima.

Kapag naibenta ang mga nanakaw, posible din na ipinambibili nila ang pera ng droga at ito na ang kanilang ibibenta sa mga parokyano.

“Sideline na lang nila itong pagnanakaw para pambili ng droga at ito na rin ‘yong kanilang pinagkakakitaan,” sabi ni Ligad.

Paalala niya sa publiko, huwag mag-iiwan ng mahahalagang gamit sa Ubox ng motor dahil hindi ito ligtas sa mga magnanakaw.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...