Dalawang suspek na pusher ng shabu, huli sa buy-bust

Ang mga suspek na sina Emil Franciso at Ronel Gaurana (inset) at ang marked money na ginamit na pambili sa kanila ng asset ng pulisya ng dalawang pakete ng pinaghihinalaang shabu.


Dalawang pinaghihinalaang tulak ng shabu ang naaresto noong alas onse ng gabi ng November 28 sa isang buy-bust operation na ikinasa nang pinagsamang mga operatiba ng Puerto Princesa City Police Office-Drug Enforcement Unit (PPCPO-DEU) at Anti-Crime Task Force (ACTF) sa Barangay Milagrosa.

Kinilala ang mga suspek na sina Emil Franciso at Ronel Gaurana. Naaresto sila sa Purok Masigasig ng naturang barangay matapos makabili sa kanila ng dalawang pakete ng pinaghihinalaang shabu ang isang asset ng pulisya.

Ayon kay PO3 Mel Japheth Salmo, nagkaroon ng transaksyon ang kanilang asset sa mga suspek at nagkasundong sa Purok Masigasig na magkikita. Nang magkaabutan na ang asset ng dalawa, inaresto na ang mga ito.

Ayon naman sa suspek na si Francisco, wala siyang kinalaman sa transaksyon dahil siya ay napag-utusan lang maghatid ng droga kapalit ng perang ibibigay sa kanila.

“Napag-utusan lang po kami, pero hindi naman talaga sa amin galing ‘yon. Binibigyan-bigyan lang din kami,” sabi ni Francisco.

Sabi ni Francisco, dala lang ng matinding pangangailangan at kahirapan sa buhay kung bakit sila pumapayag na mapag-utusan sa pagde-deliver ng droga.

“Dala lang po ng kahirapan sa buhay kaya namin nagagawa ito. Wala naman po kaming mapasukan na trabaho dahil wala kaming tinapos,” dagdag ni Francisco.

Nahaharap ang dalawa sa paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...