Dalawang residente ng lungsod na pinaghihinalaang mga pusher ang inaresto sa magkasunod na buy-bust operation na isinagawa ng mga awtoridad, araw ng Miyerkules.
Unang naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) at ng Anti-Crime Task Force (ACTF) si Arwin Cadaydayon Perigrino bandang ala una ng hapon sa Mitra Road sa Barangay Sta. Monica.
Ayon kay City Drug Enforcement Unit (CDEU) chief P/Lt. Noel Manalo, may ilang taon na umanong sangkot sa pagbebenta ng shabu si Perigrino na isang foreman.
“Foreman itong suspek, matagal na itong involve sa drugs, mga taon na. Tapos mga isang buwan na namin itong mino-monitor kaya nalaman namin na yong mga parokyano nito mga kasamahan niya lang sa trabaho, mga kaibigan niya na pinagkakatiwalaan. Nagkataon nga lang na naalukan niya ngayon ay asset namin,” sabi ni Manalo.
Maliban sa isang sachet ng pinaghihinalaang shabu na nabili kay Perigrino, nakuha din sa pangangalaga nito ang dalawang pang sachets, P3,500 na buy-bust money, isang cellphone at motorsiklo.
Samantala, sa follow-up operation ng City Police Station (CPS) 1, matapos na ihayag ni Perigrino ang kanyang source ay naaresto naman sa Bonifacio Street, Brgy. Masipag si Michael Murillo. Nakatakas naman ang target talaga ng mga pulis at kasamahan nito na si Niño Ebidag matapos makaramdam na pulis ang katransakyon nito bandang 4:50 ng hapon, Miyerkules.
Sabi ni Manalo, si Murillo ang source ng shabu ni Perigrino.
“Noong mahuli na natin yong unang suspek, ikinanta na niya ang kinukunan niya ng drugs na sinu-supply niya din sa mga parokyano niya, kaya tinimbre na natin sa CPS 1,” sabi ni Manalo.
Mariin naman ang naging pagtanggi ni Murillo sa bintang ng mga pulis na may kaugnayan ito sa nakatakas na si Ebidag bagama’t umamin itong gumagamit ng droga ay itinanggi nitong may kaugnayan sa pagbebenta.
“Mayroon daw po silang nakuhang drugs, pero hindi ko alam yon. Siguro naiwan yon nang hinabol nila. Aminin ko, gumamit ako noong pistang patay habang gumagawa ako ng lapida, pero hindi na yon naulit, at saka di talaga ako nagbe-benta niyan,” sabi ni Murillo.
Nakuha sa suspek ang P1,000 na ginamit bilang buy-bust money at dalawang sachets ng pinaghihinalaang droga.