Isang bangkang nagsasagawa ng iligal na pangingisda gamit ang compressor ang nasabat ng mga tauhan ng 2nd Special Operations Unit-Maritime Group (2nd SOU-MG) sa bayan ng Taytay sa karagatang sakop ng Barangay Galoc, bayan ng Culion, araw ng Miyerkules, November 3.
Sakay ng nasabing bangka ang dalawang mangingisda na kinilalang sina Randy Abreu at Mansueto Baldevino, kapwa residente ng Sitio Sambag ng nabanggit na lugar.
Ang dalawa ay naaktuhang gumagamit ng compressor habang nangingisda, ayon kay P/Lt. Anna Viola Abenojar, community relations officer ng 2nd SOU-MG.

Sa pahayag ni Abenojar, sinabi nito na nagsasagawa ng seaborne patrol operations ang kanilang tropa sa nasabing lugar kung saan nahuli ang dalawa, humigit-kumulang 10 metro ang layo mula sa dalampasigan ng Galoc.
“The 2nd SOU-PNP Maritime Group would like to remind our fisherfolks thats fishing with the use of compressor is strictly prohibited in the province of Palawan and punishable by law,” pahayag ni Abenojar.
Ang mga suspek at mga kagamitang nakumpiska ay nasa kustodiya ngayon ng awtoridad at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Provincial Ordinance No. 819 na may kaugnayan sa illegal fishing dahil sa paggamit ng compressor.



