Dalawang mangingisda ang natagpuang patay malapit sa baybayin ng Cacnipa Island sakop ng Sityo Baybay Daraga sa Barangay Port Barton, San Vicente, sa northern Palawan.
Ayon kay P/Lt. Erickson Dimalaluan, chief of police ng municipal station sa naturang bayan, unang nakita ang katawan ng 64 anyos na mangingisdang si Wenceslao Marikit noong October 22 sa may Cacnipa Island.
Sumunod namang natagpuan ang labi ni Mark Gim Francisco, 28, Sabado (October 24) ng umaga, malapit din sa Cacnipa Island.
Aniya, 9 a.m. ng Sabado lang ng umaga itinawag sa kanila ang pangalawang bangkay na nakita.
Noong October 21 ay pumalaot para mangisda sina Marikit at Francisco kasama ang isa pa na kinilalang si Eduardo Gallego, 57.
Sila ay mga residente ng Sityo Barongbong sa Brgy. Port Barton.
Matapos maglayag ay nawala na ang mga ito. Natagpuan na lang ang bangkay ni Marikit ng sumunod na araw na lumulutang sa may Cacnipa Island.
“Tatlo sila, residente sila ng Barongbong, Port Barton. Bandang 9 p.m. ng October 21 sila umalis para mangisda. Wala namang report sa amin na may nawawalang bangka na may sakay na mga mangingisda, nalaman na lang namin nitong 22 ng October nang may makita ng cadaver sa malapit sa island,” sabi ni Dimalaluan.
Sinabi rin ni Dimalaluan na maaaring ang insidente ay may kaugnayan sa sama ng panahon dulot ng nakalipas na bagyo.
“Kasi kinabukasan pagpunta ng tropa doon sa lugar kung saan nakita ang cadaver, plano pa balikan ang lugar, pero masama talaga ang panahon, kaya pinagpaliban na lang muna ang search and rescue operation,” dagdag niya.