Dalawang indibidwal ang nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan matapos maaksidente ang kanilang sinasakyang motorsiklo bandang 6:25 p.m. noong Hunyo 5 sa national highway sa Barangay Malinao sa bayan ng Narra.
Ang mga ito ay kinilala sa spot report ng Police Provincial Office (PPO) na ibinahagi ng tagapagsalita nito na si P/Maj. Ric Ramos bilang sina Gerome Saladaga Evangelista, 28, driver ng Rusi Neptune 125 na motorsiklo, at ang angkas nito na si Allan Albos Majestad, 47, kapwa residente ng Brgy. Bato-Bato sa natura din na bayan.
Ayon sa paunang imbestigasyon, tinatahak nila nang mabilis sakay ng kanilang motorsiklo ang national road sa Brgy. Malinao mula sa north papunta ng south, ngunit nang makarating sa lugar ng aksidente, biglang tumawid mula sa kaliwang bahagi ng kalsada ang Kawasaki Barako 175 na tricycle na minamaneho ni Jerry Morallos Obra, 54, at sila ay nabangga.
Kapwa dinala sa Narra Municipal Hospital si Evangelista at ang angkas nito na si Majestad dahil sa tinamo nilang sugat.
Ayon pa sa spot report, si Evangelista umano ay hindi dala ang kanyang lisensya, samantalang si Obra ay may lisensya ngunit ang tricycle ay walang plaka.
