Dalawang indibidwal na wanted, arestado sa Cuyo at Busuanga

Dalawang lalaki na pinaghahanap ng batas ang magkasunod na inaresto ng awtoridad sa bayan ng Cuyo at Busuanga kahapon, araw ng Lunes, Mayo 11.

Unang inaresto si Noel Diego Condi, 47, mangingisda, sa bahay nito sa Sitio Campo, Barangay Suba, Cuyo, alas otso ng umaga. 

Ayon kay P/Lt. Marvin Herrera, hepe ng Cuyo Municipal Police Station (MPS), inireklamo si Condi ng dati nitong amo ng pagnanakaw kasama ang dalawa pang kasamahan sa trabaho.

“Nangyari yan noong 2014 sa Coron. Mangingisda ‘yan at ‘yung bangka na pinagtatrabahuan nila ay tinangay, may kasama pa siyang dalawa, at dinala sa Masbate at doon benenta,” pahayag ni Herrera.

Dinakip si Condi sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Ambrosio B. De Luna ng Regional Trial Court (RTC), Branch 51, sa Lungsod ng Puerto Princesa noong February 28, 2017, matapos na hindi ito magpakita sa mga pagdinig.

Naglaan naman ng halagang P44,000 ang korte para sa pansamantala nitong kalayaan.

Samantala sa Barangay Salvacion naman sa bayan ng Busuanga, inaresto din ng operatiba ng Busuanga MPS ang 32 taong gulang na si Harold Cervantez, sa bisa ng warrant na inilabas ni Judge Lovelle Moana R. Hitosis, ng Municipal Circuit Trial Court Coron-Busuanga para sa kasong direct assault, kung saan may nakalaang piyansa na P36,000.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry