Fish Pond construction. (Photo from San Vicente LGU)

SAN VICENTE, Palawan – Dalawang grupo ng mangingisda mula sa mga barangay ng Caruray at Port Barton ang nakatanggap ng tulong pangkabuhayan mula sa Mayor’s Office Livelihood Unit (MOLU) upang mapalakas ang kanilang produksyon ng isdang tilapya at green grouper.

Ayon kay Karen Andonga ng MOLU, isang fish pond ang sinimulan nang gawin sa Sitio Bunuangin sa Brgy. Port Barton upang paglagyan ng similya ng tilapia na siyang magiging karagdagang kabuhayan ng mga miyembro ng Bunuangin Community Development Association (BUNCODA).

Ang nasabing fish pond ay may kabuuang sukat na 1,500 square meters at hahatiin sa apat na compartments.

(Photo from San Vicente LGU)

Sa Brgy. Caruray naman, isang fish cage na may sukat na 10 x 10 meters ang ginagawa at ipagkakaloob sa Gawid Fisherfolks Association, upang paglagyan ng green grouper.

- Advertisement -

Ang dalawang proyekto ay pinondohan sa ilalim ng Gender and Development Fund (GDF) na nagkakahalaga ng P374,000.

Maliban dito ay nakatanggap din ang programa ng suporta mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na magbibigay ng mahigit 9,000 tilapia fry para sa BUNCODA.

Ayon kay Andonga, ang mga nasabing tulong pagkabuhayan ay naglalayong unti-unting maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga benepisyaryong indibidwal at makatulong sa food security ng bayan ng San Vicente.

(Photo from San Vicente LGU)

“Layunin ng programang ito ng ating pamahalaang lokal na mabigyan ng kabuhayan ang ating mga kababayan nang sa gayon ay magkaroon sila ng sapat na kita at maging kabahagi natin sila sa pagtataguyod ng seguridad ng pagkain dito sa ating bayan,” pahayag ni Andonga.

Dagdag niya, sa sandaling matapos ang construction ay agad na isasalin ang mga ito sa pangangalaga ng dalawang grupo ng benepisyaryo kasabay ng pagkakaloob ng grouper fingerlings at tilapya fries, pati na rin ang feeds at iba pang kagamitang kakailanganin bilang panimula.

Inaasahang matatapos ang construction ngayong buwan ng Nobyembre, na isinagawa sa pamamagitan ng cash-for-work program.

(Photo from San Vicente LGU)

Dagdag pa rito ay nakapaloob din sa community-based livelihood project ang libreng pagsasanay upang madagdagan ang teknikal na kaalaman ng mga benepisyaryo sa mainam na pamamaraan ng pag-aalaga at pagpaparami ng naturang mga isda.

Matatandaan na kamakailan ay sumailalim sa magkahiwalay na lakbay-aral at pagsasanay ang piling mga miyembro ng naturang mga samahan sa pasilidad ng BFAR sa bayan ng Narra at Lungsod ng Puerto Princesa.

Ang mga nabanggit na tulong pangkabuhayan ay nabuo matapos ang isinagawang konsultasyon sa mga barangay upang matugunan ang pangangailangan ng mga residente rito.

Ito ay isa sa mga prayoridad na proyektong itinataguyod ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente sa pangunguna ni Mayor Amy Roa Alvarez upang matulungan ang komunidad na maging matatag sa epektong dulot ng COVID-19 pandemic.

Previous articleTable talk from our home
Next articleAngkla asks gov’t to prioritize seafarers, OFWs in ‘universally-recognized’ vaccines
is the correspondent of Palawan News in San Vicente, Palawan. He also covers politics, government policies, tourism, health and sports. His has interest in travelling and exploring different places and food.