Nakikiusap ang mga magulang ng dalawang Grade 10 students ng San Jose National High School sa publiko na tulungan silang makita ang kanilang mga anak na sina Jobert Padul at Trisha Jane Teodones na hindi nakauwi at nawawala na simula noong Huwebes ng hapon.

Ayon sa mga nanay nina Jobert at Trisha na sina Josephine Padul at Arlene Teodones, nakausap pa ang dalawang bata noong September 28, ngunit ngayon ay hindi na makontak ang mga ito. Kapwa 15 years old ang dalawang estudyante na hinihinala nilang naglayas.

Sa interview ng Palawan News sa nanay ni Jobert na si Josephine na taga Barangay San Manuel, sinabi nito na nakauwi na ang anak noong tanghali nang nasabing araw, ngunit umalis rin ito. May mga nakakita umano na mga kapit-bahay nila na kasama nito si Trisha.

“Magkasintahan po yata sila. Pumunta raw sila sa [tabing] dagat ng alas kwatro sa Barimbing daw. Pumunta dito yong papa ni Trisha, hinanap yong anak niya kasi hindi daw pumasok. Nagtanong dito kung nandito si Trisha,” ayon kay Josephine.

Sinagot naman niya ng hindi magkasama ang dalawa dahil inakala rin niya na si Jobert ay pumasok sa eskwelahan.

Aniya pa, tinawagan niya si Jobert at ang sabi umano nito ay pauwi na rin mula sa tabing dagat sa Barimbing. Sinabi rin nito sa kanya na kasama nito si Trisha.

“Umiiyak si Trisha. Sabi ko sa kanya, ‘Be, umuwi ka na dito, sumama ka kay Jobert dito sa bahay, kasi hinahanap ka ng papa mo.’ Ang sagot niya sa amin, ayaw daw niya umuwi kasi binubugbog siya ng magulang niya,” kuwento niya.

Nakiusap rin umano si Trisha na bago siya umuwi ay kausapin ni Josephine ang kanyang mga magulang na huwag na siyang bugbugin.

“Baka natakot na rin kasi nandito na sila, baka nakita niya yong sasakyan ng daddy niya, umiwas na sila. Dinala dala niya yong anak ko,” kuwento nito.

Kahapon, September 29, may mga nakapagsabi na nakita sila sa may Pineda Street kaya nag-roving na ang mga pulis. Ipinaalam na umano nila ang sitwasyon sa pulisya at sa National Bureau of Investigation sa Palawan.

Ayon naman sa kuwento ng nanay ni Trisha na si Arlene habang umiiyak, nangyari lang ito ng malaman nila mula sa text ng teacher nito na hindi ito nakakapasok ng school.

“Nabigla yong tatay, pero hindi naman in a pagalit way na ano—ang sabi lang, ‘O, di ka pala pumapasok. Sunduin ka na lang namin,’ parang ganoon. Tapos noong nandoon na kami sa school, wala na, hindi na namin siya nakontak at nakita. Nakapatay na yong cellphone niya,” pahayag ni Arlene.

Nabigla rin sila dahil hindi nila alam na kasintahan ng panganay na anak si Jobert dahil malihim ito. Noong nawala lang ito ay saka lang nila nalaman sa mga kaklase na may boyfriend na ito.

Hindi rin umano nila alam kung saan nanggaling ang kinukuwento ng anak na siya ay binubugbog nila. Kung mayroon man, ito ay pinagsasabihan nila o di kaya ay sinisermonan, pero hindi binubugbog.

“Never naming sinaktan siya—nagulat kami na bakit siya magsasalita ng ganoong bagay. Siguro si papa niya—syempre kung minsan, dahil matigas ang ulo [niya], nakakapagsalita ng mga bagay na siguro di niya nagugustuhan, or ikinakatakot niya. Pero kung pananakit, never po naming ginawa sa kanya. Kung masaktan man namin siya, tapik tapik lang—pagdidisiplina,” ayon kay Arlene.

Hanggang ngayon ay wala pa rin silang nababalitaan sa pulisya kung nakita na ba ang dalawa.

Nakikiusap siya sa anak na sana ay umuwi na ito dahil wala naman silang gagawin sa kanya. Sobra lang silang nag-aalala dahil babae ito at delikado ang panahon ngayon para sa kanya.

“Kung galit, wala kaming galit sa kanya, kahit kay Jobert,” pahayag ni Arlene, kahit pa may mga nagsasabi na maaaring itinanan ni Jobert si Trisha.

Sa pahayag naman ng Police Station 1 sa pamamagitan ng hepe nito na si Police Major Pearl Manyll Marzo, hanggang kahapon matapos iulat sa kanila ang pagkawala ng dalawang bata, ay wala pa rin silang lead kung nasaan ang mga ito.

“Nag flash alert na tayo sa lahat ng mga police units, kahit sa Palawan Police Provincial Office dahil sa dalawang batang sinasabing nawawala. Yong mga pulis natin, patuloy na umiikot at hinahanap sila para maibalik sa magulang,” pahayag ni Marzo.

Previous articleChinese investors eyeing major ventures in Puerto Princesa, including air links to mainland
Next articleFormer senator Kiko Pangilinan explores San Vicente’s beauty and flavors in YouTube vlog