Dalawang baybayin sa bayan ng Brooke’s Point ang isinailalim ang pangangalaga sa Brooke’s Point District Jail (BPDJ) bilang bahagi ng kanilang Ka-Luntian Program upang mapangalagaan at mapanatili ang kalinisan.
Bilang bahagi ng programa, regular na magsasagawa nang paglilinis ang mga kawani ng BPDJ tuwing araw ng Martes sa dalampasigan ng Sitio Buligay sa Barangay Poblacion District 1 at Sitio Balacan sa Barangay Pangobilian.
Ayon kay JO1 May Rose Rosel, community relations officer ng BPDJ, ngayong Miyerkules, June 2, sinabi niyang ang dalawang coastal areas na nabanggit ay pinapangalagan ng kanilang opisina sa ilalim ng Community Relation Services Unit (CRSU).
Aniya, nagtutungo sila dito tuwing araw ng Martes upang linisin ang baybayin at tanggalin ang mga basurang nagkalat sa baybayin.
“This is also our support for clean environment at clean coastal areas natin,” pahayag ni Rosel.
Dagdag niya, isa lamang ito sa mga programa ng BPDJ na naglalayong pangalagaan ang kalikasan at magkaroon ng malinis na kapaligiran sa bayan ng Brooke’s Point. Aniya, marami pang ibang programa ang kanilang pamunuan katulad ng mga pagtatanim ng punong kahoy sa ibang mga barangay.
“Brooke’s Point District Jail will continue to be your steward of nature amidst the pandemic, because we are still part of this living planet. We are your Ka-Luntian and we are with you to Change, Build, Save, and Love,” ani Rosel.
