Dalawang bangkang pangisda ang hinarang ng mga awtoridad matapos maaktuhan na nagsasagawa ng iligal na pangingisda sa Manamoc Island, bayan ng Cuyo, nitong Sabado, September 18.
Ang mga bangkang FV Anastacia ng Royal Fishing Corporation at FV Unity Glory ng Pesca Maharlika Marine Resources Inc. mula sa Navotas City ay hinuli ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard Cuyo Station dahil sa paggamit ng ipinagbabawal na super lights.
Ayon sa Coast Guard District-Palawan (CGD-Pal), nakatanggap ng report ang mga tauhan nila sa bayan kaugnay sa aktibidad ng ng dalawang bangka kaya agad nagpadala ng operatiba sa nabanggit na lugar kung saan naabutan sa aktwal na pangingisda ang mga tauhan ng banka.
Dinala ang dalawang bangka kasama ang 35 na mga crew nito sa pier ng Cuyo, ngunit agad namang pinakawalan kinabukasan September 19, matapos na makapagbayad ng multa na nagkakahalaga ng P300,000 para sa paglabag.
