Dalawang bagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa bayan ng Cuyo ngayong araw ng Miyerkules, May 19, ayon kay Municipal Health Officer Dr. Jacqueline Vigonte.
Ang dalawang bagong kaso ay parehong babaeng edad 45 taong gulang mula sa Barangay Pawa at 22 taong gulang mula sa Barangay Bancal.
Sila ay isinailalim sa rapid antigen test at nag-positibo noong nakaraang linggo at agad ding isinailalim sa RT-PCR test, at magkahiwalay na dumating ang resulta noong araw ng Lunes at Martes kung saan positibo nga sa COVID-19 ang dalawa.
Dagdag pa ni Vigonte, wala naman umanong travel history ang mga ito.
“Nasa isolation facilities ang mga pasyente. Yung may symptoms ipina-admit ko sa hospital. Contact tracing is still ongoing. Yung first wave of antigen test for govt employees, puro naman negative” paliwanag ni Vigonte.
Ayon pa sa kanya, sa patuloy na pagtaas ng kaso ng bayang ito ay patuloy na ginagawa nila ang lahat ng kaya nilang gawin. Ang pakiusap lamang nila ay patuloy na sundin ang mga pinaiiral na minimum health standard ng bayan.
“We have done what could have been done and are still doing it. Isolation of confirmed cases, quarantine for close contacts, “no antigen test or RT-PCR no ticket” policy sa inbound travelers, mandatory contact tracing of incoming travelers, minimum health standards being imposed” paliwanag ni Vigonte.
“Maging responsableng mamamayan po tayo. Binigay na sa atin ang kaalaman para maiwasang magkaroon ng Covid. Wala sa kamay ng doctor ang solusyon, nasa kamay ng bawat mamayan,” pahayag niya.
“Observe what has been laid down like obligatory wearing of face mask, use hand sanitizer frequently, social distancing. Kahit sirang plaka na ako, uulit ulitin ko pa rin yan. Avoid crowded places and live healthy lifestyle iwasan ang manigarilyo, itama ang timbang para iwas diabetes, and most of all stay home with your family,” dagdag pa niya
Sa kasalukuyan may labing tatlong aktibong kaso ang bayan ng Cuyo. Walo dito ay naitala sa Brgy. San Carlos, tag-dalawa naman ang naitala sa Brgy. ng Pawa at Bancal at isa naman sa Brgy. Suba.
