Dalawa sugatan sa banggaan ng dalawang motorsiklo sa Cuyo

Dalawang lalaki ang nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan matapos na magbanggaan ang dalawang motorsiklo sa Barangay Bancal, Cuyo bandang 7:40 kagabi, Martes (April 13).

Sa ulat ng Cuyo Municipal Police Station (MPS), parehong nasa impluwensya ng alak ang mga driver na kinilalang sina Jiemar Martinez, 28, at Marvin Sarabillo, at angkas nito na si Carlo Tabangay Gabua, 20, nang mangyari ang aksidente.

Ayon sa imbestigador na si P/SSg. Hernie Paduga Garcia, tinatahak ng dalawang motorsiklo ang kahabaan ng provincial road ng Brgy. Bangcal mula sa magkabilang Direksiyon nang mangyari ang aksidente.

Mula sa Barangay Rizal, sakay ng SYM 110 ay pauwi na si Martinez sa kanyang bahay sa Brgy. Suba, habang nagmula sa Brgy. Magsaysay ang magkaangkas na sina Sarabillo at Gabua na pauwi naman sa Brgy. Maringian.

”Nagkasalubong sila dito sa Brgy. Bangcal, medyo mabilis ang takbo at pareho pong nakainom. Head-to-head ang banggaan nila, salpukan talaga,” pahayag ni Garcia

“Si Martinez medyo malala ang tama niya. I-i-airlift siya sa Puerto dahil nagka-fracture ang bandang kaliwang kilay niya, lumabas ang buto. Pero si Sarabillo stable na sa ngayon,” dagdag pa nito

Wala namang natamong pinsala si Gabua.

Ayon pa sa imbestigador na posibleng magsampa ng kaso ang Pamilya ni Martinez laban kay Sarabillo.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry