Dalawa ang nasawi habang sugatan ang isa pa nang mahulog ang isang L300 matapos na masira at bumigay ang tulay na dinadaanan nito sa Sitio Omao, Barangay Bagong Bayan, El Nido, alas syete ng gabi noong araw ng Linggo, Hulyo 19.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Edgar Zabala Redoña, 52, at Jeymark Estillo Marpori, 22, na idineklarang dead on arrival sa pagamutan samantalang nagtamo naman ng pinsala sa katawan ang driver na si Juanito Tumbokon Buragay, Jr., 44 taong gulang.
Nakaligtas naman at nasa maayos na kalagayan ang lima pang pasahero na sina Jeffrey Estello Dela Cruz, 22; Edgar Zabala Renoña, 23; Leory Gacayan Tablason, 35; Niño Mark Manaig Redoña, 23, at isang 15 anyos na babae. Napag-alamang ang mga ito ay nakisakay lamang pauwi sa Brgy. Bagong Bayan.
Ayon sa mga rumespondeng tauhan ng El nido Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, ang dalawang nasawi ay nakaupo sa likurang bahagi ng sasakyan na nadaganan ng mga hollow blocks na karga ng sasakyan.
“’Yung dalawang namatay sila ang nakaupo doon sa likuran. kaya ‘nung nahulog ang sasakyan, sila talaga ang napuruhan,” pahayag ni Pauline Marin na isang MDRRMO responder.
