Dalawa ang nasawi sa aksidente na naganap Miyerkules, Nobyembre 10, sa Barangay Inagawan-sub kung saan naaksidente rin ang apat na miyembro ng pamilya Mones.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Nestor Adores na nangmamaneho ng Toyota Vios at ang kanyang sakay na si Kevin Nambatac na nanggaling sa lungsod ng Puerto Princesa at papunta sana sa bayan ng Bataraza.
Nagtamo naman ng pinsala sa katawan ang tatlong sakay ng Toyota Innova na patungo sa Lungsod ng Puerto Princesa nang maganap ang aksidente.
Kaya hiniling ni kapitan Benjamin Salazar ng Inagawan-sub na mabigyang-pansin at maisaayos ang bahagi ng south national highway na nasasakupan ng kanyang barangay dahil sa madalas na aksidenteng nagaganap dito.
Ayon kay Salazar, ang bahagi ng kalsada ay tinaguriang “rollercoaster” dahil medyo palusong at paahon kung kaya hindi agad nakikita ng mga driver kung mayroon silang kasalubong na isang dahilan kung kaya nagkakaroon ng aksidente.
“Rollercoaster talaga ang tawag diyan kasi kapag nandiyan, lalo na kapag mabilis ang takbo ng sasakyan, hindi kaagad makikita na minsan sa kabila may kasalubong o may nakahinto pala. Ang iba naman kahit blind curve nag-o-overtake. ‘Yong gulod na ‘yan dapat ma-flat, maayos sana para agad magkakitaan ang magkabilaan. Pagbaba mo kasi may malalim pa ‘yan bago aakyat ng kaunti. Sana maayos para hindi magkabulagaan,” paliwanag ni Salazar.
Ayon kay Kagawad Elaine De Guzman ng Brgy. Inagawan-sub na isa sa mga unang rumesponde, pumasok sa linya ng Vios ang Innova na naging dahilan ng banggaan.
Dagdag ni De Guzman, agad na dinala ang dalawang biktima sa Aborlan Medicare Hospital kung saan binawian ang mga ito ng buhay.
“Pagdating doon kahapon, ‘yong driver ng Vios ay dinala na sa Aborlan pati ang isa sa likod. ‘Yong medyo natagalan talaga ay ang sa tabi ng driver kasi kailangan ng lagariin ang sasakyan. ‘Yong sa Innova hindi masyado [kritikal ang lagay]. Ito talagang sa Vios,” aniya.
Matatandaang noong buwan ng Agosto ay isang aksidente rin ang naganap na ayon kay De Guzman ay hindi kalayuan sa lugar kung saan isang buong pamilya ang nasawi.
“Halos mga limang dipa ang layo doon sa pinangyarihan kila Mones. Siguro pang-apat na ito na magkakasunod na aksidente. Talagang accident prone ang lugar na ito kaya sana mag-ingat ang mga dumaan,” aniya.
Samantala, ayon kay Salazar, maliban sa pagsasaayos ng kalsada ay dapat din aniya na laging isipin ng mga driver ang tamang road courtesy at huwag magmadali sa pagmamaneho lalo na sa mga delikadong bahagi ng kalsada.
“Yong values talaga ng mga driver, kahit may mga precautionary na minsan ay hindi nila sinusunod,” dagdag niya.
