ODIONGAN, Romblon — Ipinatutupad na sa bayan ng Odiongan sa Romblon ang dagdag-pasahe sa mga tricycle na inaprubahan ng Sangguniang Bayan noong nakaraang taon.
Base sa Municipal Ordinance No. 2018-25, mula sa P10 sa unang isang kilometro ay ginawa itong P12, at dagdag na P2 sa bawa’t kilometro na takbo ng tricycle.
Samantala, mananatili namang P10 ang bayad sa unang isang kilometro para sa mga estudyante, senior citizen, at mga Persons with Disability (PWD), at dagdag na P1 sa bawa’t kilometro na dagdag sa metro ng sinasakyang tricycle.
Ayon kay Odiongan Vice Mayor Diven Dimaala, ang taas pasahe ay hiniling noong nakaraang taon ng mga tricycle drivers dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina bunsod ng pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Ang sinumang lalabag sa nasabing ordinansa ay mapapatawan ng parusa. Para sa unang pagkakasala, pagbabayarin ang tricycle driver ng P1,000; sa ikalawang pagkakasala, mapapatawan naman ito ng bayaring P2,000; at kung naulit pa ay matatanggalan na ng prangkisa ang kanilang mga tricycle.
Samantala, hinikayat ni Dimaala ang publiko na magsumbong sa kanilang opisina kung sakaling may mga tricycle driver na lalabag sa nasabing ordinansa. (PJF/PIA-Mimaropa/Romblon)