BROOKE’S POINT, Palawan — Daanan lamang dati ng mga armadong miyembro ng New People’s Army (NPA) ang Barangay Aribungos sa bayan na ito, pero ngayon ay naninirahan na sila sa kabundukan nito.
Ito ang ginawang kumpirmasyon ni Aribungos barangay chairman Edgar Inso noong Martes sa panayam ng Palawan News.
Aniya, dati lamang daanan ng mga rebeldeng NPA ang bahagi ng Sitio Lagasin kung saan nagkaroon ng engkwentro ang mga tropa ng Marine Battalion Landing Team-4 (MBLT-4).
“Ayon sa sumbong sa atin dyan sa kabundukan, noong una ginagawa lang yan nilang daanan dahil lusutan yan patungong Quezon. Pero hindi nagtagal ay nakitira na rin sila at nakiki-kaingin na rin,” sabi ni Inso.
Sabi niya, nababalot ngayon ng takot ang mga residente ng lugar simula ng mangyari ang engkwentro kaya’t ang iba sa kanila ay nagsilikas na.
Ayon kay Inso, nakitira muna sila sa ibang mga kamag anak.
“May mga apat na kabahayan sa itaas at noong mangyari ang palitan ng putok ay natakot nga sila kaya nagsilikas sila at nakitira muna sa kani-kanilang kamag anak,” pahayag ni Inso.
Samantala, sa ngayon ay patuloy pa rin ang isinasagawang operasyon ng hanay ng mga militar sa lugar upang masigurong wala ng rebelde ang namumugad doon.