Isang regional summit ang isinakatuparan kamakailan ng Department of Agriculture (DA) sa Mimaropa upang palakasin at isulong ang Farm and Fisheries Clustering and Consolidation Program (F2C2).
Ginanap ang unang araw ng kauna-unahang Regional F2C2 Cluster Summit noong August 29 na magtatagal hanggang ngayong araw sa Development Academy of the Philippines, Tagaytay City, ayon sa statement na inilabas ng DA Mimaropa.
Ang F2C2 Program ay naisakatuparan sa pamamagitan ng Administrative Order No. 20 noong 2020 na may layunin na pagsamahin ang mga grupo ng mga magsasaka at mangingisda na may magkakatulad na produkto upang maabot nila ang economies of scale at mas palakasin ang kanilang bargaining and market power.
Ang nasabing tatlong araw na summit ay may temang “F2C2: A Strategy for Sustained Rural Development” na naglalayon na pagsama-samahin ang mga nabuong clustered farms sa rehiyon at mga farmers cooperatives and associations (FCAs) upang magkaroon ng pag-uusap ukol sa kasalukuyang pag-iimplementa ng estratehiyang clustering and consolidation, malaman ang mga hamon at isyu, at makabuo ng network kasama ang iba’t ibang stakeholdes sa sektor ng agribusiness.
Pinangunahan ni DA Mimaropa Regional Executive Director Engr. Maria Christine C. Inting ang pagbubukas ng naturang programa kasama sina Regional Technical Director for Operation/F2C2 Regional Focal Person Dr. Celso C. Olido.
Dinaluhan naman ito ng mga miyembro ng mga FCAs mula sa iba’t ibang probinsya sa Mimaropa, kinatawan mula sa mga iba’t ibang kinauukulang ahensya at tanggapan, gayundin ang mga katuwang na investors at kumpanya ng kagawaran.
“So sabi nga, malayo pa po ang ating kailangang marating but sabi nga, one step at a time. Kino-congratulate ko rin kayo lahat dahil in three years’ time marami na rin tayong nagawa lalo na ang grupo ng F2C2. May our commitment and dedication will never be waivered, and may we be blessed with more strength to give the best effort for the agriculture (sector),” ayon kay Engr. Inting.
“Napakahalaga ng summit na ito, para itong ligawan ng isang binata at dalaga kase bukod sa naririto ang yung magigiting natin na clusters na existing sa buong MIMAROPA region nandito rin yong mga magigiting natin na investors tulad ng Project Zacchaeus,” ayon naman kay RTD Dr. Olido.
Nagsilbi naman na keynote speaker si F2C2 National Program Director Shandy M. Hubilla na bagama’t hindi nakapunta ng personal ay pinasalamatan ang pagsisikap ng DA Mimaropa sa patuloy na pagtulong sa mga magsasaka at mangingisda.
“Inaasahan natin na sa pamamagitan ng F2C2, mas makamit natin ang ating layunin na magdagdagan ang kita ng ating magsasaka at masiguro na laging may pagkain sa hapag kainan ng bawat pamilyang Pilipino,” ayon kay Hubila.
Samantala, ibinalita naman ni F2C2 Report Officer Rustom N. Gonzaga ang Situationer and Updates ng programa. Base sa F2C2 Brief Updates and Accomplishment, mula sa 90 na target nilang cluster, umabot sa 105 ang natukoy sa rehiyon na kung saan 70 dito ang kanila nang na-validate.
Sa pamamagitan rin ng F2C2, napagtagumpayan ang pagsasagawa ng iba’t ibang public and private partnership. Kabilang na dito ang P300 milyong investment for Rice Processing Complex sa Sablayan, Occidental, Mindoro; memorandum of understanding sa Jollibee Group Foundation for Agro-Enterprise Clustering Approach (AECA) Implementation; investment opportunity sa KLT Fruits Inc. para sa pagpapatayo ng mango processing center sa Narra, Palawan; at 200mt market demand ng ube mula sa AMIA Village.
Tinutulungan rin ng programa ang mga magsasaka sa market matching tulad ng White Onion Cluster sa Paluan, Occidental Mindoro na nagsimula nang magdeliver sa Jollibee Group Foundation, at P300,000 market opportunity para sa animal raisers sa Oriental Mindoro.
Bukod dito, nagkaroon rin ng talakayan tungkol sa Fisheries’ Cooperative Situationer and Updates at Philippine Rural Development Project (PRDP) – Scale Up. Nagsagawa rin ng plenary session na kung saan ibinahagi rito ang DA-ACPC Agri-Fishery Credit Program, SeedWorks Philippines Inc. Company Profile, RU-EcoAgri Farmers Assistance Program at Implementation of Agro-Enterprise Clustering Approach habang aktibo namang nakinig at lumahok ang mga partisipante sa isinagawang open forum.
Masaya naman ang mga magsasaka mula sa FAs/FCAs na ikuwento ang kanilang naging karanasan, natutunan at pinagdaan sa implementasyon ng F2C2 Program, at kung paano ito nakatulong upang higit na umunlad ang kanilang samahan at pataasin ang kanilang produksyon at kita.
Isa na dito si Mervin Lolong, presidente ng Makapili Vegetable Farmers Association sa Pinamalayan, Oriental Mindoro. Sa kabila ng kaniyang pinagdaanan, ibinahagi niya na ang DA Mimaropa ang isa sa mga naging daan para maging matagumpay ang kanilang asosasyon simula ng itatag ito noong 2008.
“Noong di pa kami clustered, nakaranas kami ng pagkalugi noong bumagsak ang presyo ng gulay, umabot sa mahigit isang milyon ang nawala sa amin ngunit sa tulong ni sir Rustom, F2C2, kami ay natuto at nagkaroon ng tamang pamamahala sa aming mga inaaning gulay. Nadagdagan din ang aming kita na napakalaking katulungan sa mga miyembro ng Makapili,” ayon sa kaniya.
Samantala, may makikita rin na booth na itinayo sa loob ng venue na nagbebenta ng iba’t ibang processed products na gawa ng iba’t ibang FCAs mula sa limang lalawigan sa rehiyon.