CALAPAN CITY, Oriental Mindoro – Magkatuwang na nagpaabot ng tulong sa 160 pamilyang naging biktima ng malawakang pagbaha dulot ng bagyong Fabian sa bayan ng Naujan noong ikatlong linggo ng Hulyo ang Department of Agriculture–MIMAROPA at Missionaries Families of Christ (MFC), ika-7 ng Agosto.
Sa inisyatibo ni Regional Executive Director Antonio G. Gerundio, 825 kilo ng bigas ang hinati sa tiglilimang kilo para ipamahagi sa sa bawat pamilyang naapektuhan ng pagbaha, sa pangunguna ni Agricultural Program Coordinating Officer Coleta C. Quindong. Nagkaloob naman ng toothbrush, toothpaste, groceries, mga used clothes, kumot, at gamit sa kusina ang MFC sa pamamagitan nina Provincial Coordinator Efigenio Navarro, Jr. at Dante Tolentino, MFC member.

Kabilang sa mga naging benepisyaryo ang 90 pamilya sa Brgy. Mulawin; 35 pamilya sa tatlong sitio ng Brgy. Aurora; at 35 pamilya sa Brgy. Masagana.
“Natutuwa kami at nagpapasalamat inisyatibo ng DA, kasama ang MFC, na mahatiran ng tulong ang aming barangay lalo pa at kulang na kulang kami sa gamit at pagkain,” mensahe ni kapitan Maximo Ligan ng Barangay Mulawin.
Ayon naman kay Quindong, agarang tulong sa mga gamit at pagkain ang kailangang – kailangan ng mga naapektuhan ng pagbaha lalo pa at may mga nawalan ng tahanan habang marami ang nasira ang mga taniman at namatay ang mga alagang hayop.

“Nagpapasalamat kami kay RED Gerundio sa pagpayag na mabigyan ng tulong ang mga kababayan natin dito sa Naujan na ilang araw na binaha. Nasa puso talaga niya ang pagtulong kahit hindi siya taga Mindoro,” ani Quindong.
Pinsala ng bagyong Fabian
Samantala, base sa Damage and Loss Assessment (DaLA) report ng Department of Agriculture (DA) MIMAROPA nitong ika-4 ng Agosto, umabot na sa P577,399,382.37 ang halaga ng mga pinsala at lugi sa sektor ng agrikultura sa rehiyon ng MIMAROPA gawa ng nakaraang bagyong Fabian na pinatindi pa ng habagat.
Malaking bahagdan ng mga pinsala ang naitala sa mga probinsiya ng Oriental at Occidental Mindoro an umabot sa P343,005,835.67 sa mga palayan; P209,398,838.20 sa high value crops; P21,553,986.00 sa mga maisan; at P2,793,100.00 naman sa livestock.
Sa lalawigan ng Romblon ay may bahagyang pinsala rin sa lalawigan ng Romblon na umaabot sa halagang P370,872.50 sa palayan at maisan, habang sa Marinduque naman ay umabot sa P330,750.00 ang pinsala sa ilang palayan.
Kaugnay nito, kaagad na tumugon ang DA-MIMAROPA at nagbigay ng paunang tulong sa mga magsasaka kung saan ayon kay Quindong, nasa 1,370 pakete ng iba’t ibang mga binhi ng gulay ang naipamahagi sa mga bayan ng Baco, Naujan at sa Lungsod ng Calapan, habang 1,242 bags naman ng binhi ng palay na may bigat na 40 kilo bawat bag ang ipinamigay sa mga benepisyaryo sa mga nabanggit na lugar at maging sa mga bayan ng Victoria at San Teodoro.
Sa direktiba naman ng Kalihim William Dar, maliban sa mga binhi, pinahanda rin ang ilang intervension mula sa DA kabilang ang Quick Response Fund (QRF) para sa rehabilitasyon ng mga nasirang taniman at pangisdaan; mga gamot at iba pang pangangailangan para sa livestock at poultry; Survival and Recovery (SURE) Loan Program ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC); at pondo mula sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) upang mabayaran ang mga apektadong magsasaka.
