RIZAL, Palawan — Magsisimulang mas maghigpit sa pagpapatupad ng curfew hours sa bayang ito, mula 10:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga.

Ayon kay deputy chief of police P/Lt. Eizel Marasigan, ang curfew ay ipatutupad sa 11 na barangay ng nasabing bayan.

“Mahigpit po nating ipinatutupad ang oras ng curfew, kahit araw po tayo ay umiikot sa mga lugar dito sa bayan upang masiguro ang kaligtasan ng ating nasasakupan,” ayon kay Marasigan.

Nilinaw ni Marasigan na may kaukulang penalty ang paglabag sa COVID-19 guidelines.

“Maaaring maglinis sa komunidad ang sino mang mahuli at mapatunayang lumabag sa ipinatutupad na guidelines” aniya.

Sinabi rin niya na mayroong dalawang checkpoint area ang bayan ng Rizal. Ito ay sa Barangay Balite patungong Sur at sa bahaging Norte naman ay sa Purok Malambunga Brgy. Punta Baja.

Napansin rin niya na ang daan sa Brgy. Panalingaan tagos ng mga bayan ng Brooke’s Point at Bataraza ay kinakailangang magkaroon ng checkpoints upang mahigpit na mabantayan ang lumalabas at pumapasok sa bayan at tumutungo sa kabilang bayan na mayroon nang naitalang positibo sa COVID-19.

“Bigyang pansin po natin iyan at i-call natin ang attention ng barangay officials na sila ang ating katuwang bilang tagamasid sa paghihigpit ng seguridad sa lahat ng dumaraan, taga-Rizal man o taga kabilang bayan, ito ay bilang pag-iingat na rin para sa ating mamamayan”, ayon kay Marasigan.

Previous articleMga magsasaka ng S. Espanola, hinikayat nang magtanim
Next articleAnti-discrimination ordinance, nakasalang na sa Rizal SB