BROOKE’S POINT, Palawan — Ipinagpapatuloy ngayong buwan ng Pebrero ng Tourism Development and Promotions Division (TDPD) ng Municipal Tourism Office (MTO) sa bayan na ito ang kanilang cultural resource mapping para sa heritage list ng mga maaaring maging tangible at intangible cultural assets.
Sa pahayag ni MTO officer Arlene Piramide ngayong Huwebes, Pebrero 4, sinimulan noong buwan ng Agosto taong 2019 ang cultural resource mapping kung saan nakapagtala sila ng humigit kumulang 200 heritage sites na kinabibilangan ng iba-ibang cultural resources, properties, at historical sites.
“Katuwang natin dito ang National Commission on Culture and the Arts (NCAA), mga community at mismong ating mga barangay, at ilang mga kababayan natin na nakakaalam sa mga historical sites dito sa Brooke’s Point na puwede nating maging cultural heritage at mapangalagaan,” ani Piramide.

“Sa 200 heritages na na-identify ng ating tanggapan, madadagdagan pa ito dahil nagkaroon tayo ng resumption ng cultural mapping ngayong taon,” dagdag niya .
Aniya, inaasahan na ang resumption ng kanilang mapping ay matatapos sa buwan ng Marso 2021 upang maipasa ito sa Local Cultural Arts Council (LCAC) na mag-e-evaluate at magba-validate para dito.
Ayon pa kay Piramide, bilang bahagi ng proseso ng kanilang gagawing book of heritage ay pag-aaralan ito ng LCAC at isusumite sa Sangguniang Bayan para sa review at approval bago naman ipapasa sa NCAA at kailangan ding ipa-rehistro sa Philippine Registry of Cultural Property (PRECUP).
“Kailangan syempreng mairehistro ito sa PRECUP at kapag tapos na, ito na ang mga listed heritages natin sa ating bayan. May isa pa dito na naisama natin na bago sa na-identify to be our heritage, iyong naging Magellan mark natin during that time na naging route niya ang Brooke’s Point. At kasama dito yong mga old buildings sa ating bayan” sabi ni Piramide.
Ang pagiimbentaryo ng mga cultural properties sa isang bayan ay mandato ng batas sa lahat ng Local Government Units(LGUs) sa buong bansa na nakapaloob sa ilalim ng Republic Act no.10066 o ang National Cultural Heritage Act of 2009.
