Ang mga tauhan ng Culion Municipal Police Station (MPS) na nakiisa sa Brigada Eskwela ng Culion Elementary School

Bagama’t wala pang face to face na klase ang mga paaralan dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19, nagsagawa pa rin ng Brigada Eskwela ang Department of Education (DepEd) sa mga paaralan sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Sa bayan ng Culion, isinagawa ng Culion Elementary School ang aktibidad nitong araw ng Huwebes, Agosto 26, kung saan, nakiisa ang mga tauhan ng Culion Municipal Police Station (MPS).

Ayon kay P/Lt. Freddie Ugalde, hepe ng Culion MPS, ang pagsama sa Brigada Eskwela ay bahagi ng kanilang Barangayanihan program bilang suporta sa mga magulang, mag-aaral at guro sa nasabing paaralan.

“Isang paraan ito para maging malapit tayo sa mga tao sa nasasakupan natin. Maging kaibigan sila at makabuo ng tiwala sa mga pulis, at ganoon din kami sa kanila,” pahayag ni Ugalde.

- Advertisement -

Maliban sa tulong-tulong na paglinis sa paligid ng eskwelahan, nag ambag-ambag din ang Culion MPS para makabili ng mga kagamitan katulad ng pinturang ginamit sa pag-repaint ng ilang gusali ng paaralan, upang manumbalik ang sigla at ganda ng paligid.

Nais din ng Culion MPS na magkaroon sila ng ambag sa edukasyon ng mga kabataan at ito ang isang paraan nila upang makatulong.

“Mahalaga ang edukasyon para sa mga kabataan, ang pagkakaroon ng maayos na silid aralan, kahit wala pang klase sa ngayon. Mahalaga pa rin na makita nilang malinis, maayos at kaaya-aya ang paaralan. Makakatulong ito para ma-excite sila na bumalik sa school, and ma-encourage silang mag-aral,” paliwanag ni Ugalde.

Samantala, sa mga sususnod na araw ay nakatakda ring tumulong at magsagawa ng Brigada Eskwela ang Culion MPS sa iba pang eskwelahan sa bayan.

Previous articleMSU Marawi extension program in Bataraza to help produce ‘finest students’
Next articleGov’t plans to begin pediatric inoculation by 4Q
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.