Lumang larawan na kuha noon sa loob ng ospital sa bayan ng Culion na mahabang panahon na itinuring na Island of Living Dead dahil sa mga naninirahan at pasyente na may sakit na leprosy. | Photo courtesy of Culion Museum and Archives

Naihiwalay man ng panahon ang bayan ng Culion noon, ngayon ito ay umuunlad, ngunit nanatiling mayaman sa kwento na bahagi ng ating kasaysayan. Saksi ang maliit na bayan na ito sa samu’t saring nangyari sa nakalipas na panahon na hanggang ngayon ay tumatatak sa isip ng mga nakatira dito.

Ang bayan ng Culion ay isang isla na matatagpuan sa norte ng lalawigan ng Palawan, kasama ito sa tinatawag na Calamian Group of Islands.

Sa ilalim ng American government noong 1902 ay nabahala ang United States War Department sa sakit na cholera, tuberculosis, at leprosy or Hansens disease.

Una nang sinubukang itayo ang Leper Colony sa Mindanao ngunit sa kalaunan ay itinayo na ito sa Culion dahil mayroon itong pantalan, bastante ang suplay ng tubig, malapit sa lugar kung saan pwede ang kalakal, at madaling puntahan ng mga manggagamot.

Si nanay Maxencia Gonzales, 81, ay naninirahan sa bayan ng Culion. Nalaman niya noong siya ay 12 taong gulang pa lang na siya ay may sakit na leprosy.

Taong 1904, idineklara ni Civil Philippine Governor Luke Wright na Leper Colony and Government Stock Farm ang buong lupaing pampubliko ng Culion sa pamamagitan ng Executive Order No. 35.

Umabot ng dalawang taon ang pagsasaayos ng mga pasilidad at mga daan dito bago pa ito opisyal na binuksan.

Binuksan ito taong 1906, ika-27 ng Mayo, mahigit tatlong daang mga mayroong sakit na leprosy ang dumating sa Culion sakay ng M/V Polillo at M/V Mindanao. Ito ang naging hakbang ng American Colonial Government noon para ihiwalay ang mayroong sakit na leprosy at hindi na makahawa pa dahil na rin sa kawalan pa ng gamot dito.

Leprosy, isang malalang sakit noon
Itinuturing na malalang sakit ang leprosy noon kaya tinagurian ang Culion bilang “Island of Living Dead, Island of No Return at Graveyard of the Dead” dahil dito makikita ang segregation at isolation mula sa kabihasnan. Ang mismong colony ay tinawag na mga lepro habang ang kabilang bahagi nito kung saan doon nakatira ang mga doktor at mga walang sakit ay tinatawag na sano.

Ayon kay John Lisboa ng Culion Museum and Archives, isa ang museo sa mga lugar kung saan ang mga leproso ay nakakulong at hindi nararanasan ang buhay sa labas.

“Abnormal [ang buhay] kasi nakakulong sila dito,” pahayag niya, kaya ang lugar ay inaayos at pinaganda “upang mabuhay nila kung ano ang buhay sa labas.”

Ang mga may sakit na leprosy sa iba’t ibang panig ng bansa ay sapilitang dinadala sa Culion kasama ng ibang leproso, hinihiwalay din ang babae at lalaki, sa bisa ng Segregation Law.

Ipinairal din ang no touching policy at mahigpit na ipinagbabawal ang pag-aasawa, bumuo din ng sariling pera o currency dito kaya hindi pa rin sila makakaalis dahil agad malalaman sa labas na sila ay leproso.

Noong pinayagan ang pagpapakasal, ang mga sanggol ay agad na ihihiwalay sa nanay upang hindi mahawa.

“Immediately, pagka panganak mo, may nursery, ihihiwalay kaagad ang baby mo, and then, and then through the glass lang mo makikita,” ayon pa kay Lisboa.

Umabot ng ilang taon ang pag-aaral ng mga dalubhasa para magamot ang leprosy hanggang taong 1982 nabuo at napatunayan na ang rifampicin at clofazimine bilang multiple drug therapy (MDT) ay epektibo para magamot ang leprosy sa tulong ng World Health Organization (WHO).

Taong 1995, ibinigay na libre ang MDT sa mga health centers.

Kwento ni nanay Maxencia
Si nanay Maxencia Gonzales, 81 taong gulang, malakas pa kumpara sa kanyang edad pero lingid sa kaalaman ng iba, isa siyang pasyente ng leprosy. Ang kanyang mga magulang ay mga kapwa pasyente rin. Isa siya sa pinakamatandang leprosy survivor na nabubuhay ngayon sa Culion kung saan ipinanganak at lumaki.

Marahil maswerte pa rin si nanay Maxencia dahil bagaman naging pasyente siya ay hindi niya naabutan ang panahon na napakalala ng sitwasyon sa Culion at wala pang gamot na nadidiskubre.

Kwento nya, 12 taong gulang siya noong nalaman niyang mayroon siyang sakit na leprosy. Aniya, dahil hindi na hinihiwalay noon ang mga sanggol. Lumaki siyang kasama ang kanyang mga magulang subalit lahat silang mga bata ay regular na binabantayan ng mga espeyalista.

“Kaya pala noon napapansin ko na nilalagnat ako. Lagi akong nilalagnat. Tapos kapag naiinitan ako, namumula yong pisngi ko—sa pisngi ako nagsimula. Kaya kapag ako ay tinitingnan ni doktor, yong aming doktor, Dr. [Casimiro] Lara, siya po ang nagtitingin sa aming mga batang ipinanganak dito sa Culion,” pahayag niya.

Ang mga orihinal na ginamit, sinulat, maging ang mga listahan ng mga pasyente ay makikita sa Culion Museum and Archives. Makikita rin dito ang ginamit ni Dr. Lara, ang nagsilbing doktor ng mga leproso. Kilala siya bilang outstanding leprosy scientist at colony chief, at hanggang ngayon ay kinikilala ang kanyang mga naiambag sa Culion at buong mundo.

Malaya man sa Leprosy ang Culion ay tuloy-tuloy pa rin ang tulong ng gobyerno sa mga pasyente kasama ang kanilang buwang suportang pinansyal, mga gamot, bitamina at iba pa.

Taong 2006 ay idineklara ng World Health Organization na leprosy-free na ang bayan ng Culion, na minsan nagsilbing pinakamalaking leprosarium ng mundo.


About Post Author

Previous articlePH, UAE ink space cooperation
Next articleLalaki nawawala sa karagatan na sakop ng El Nido matapos tangayin ng malakas na alon
is the chief of correspondents of Palawan News. She covers defense, politics, tourism, health, and sports stories. She loves to travel and explore different foods.