LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro – Nakatakda nang itayo ang kauna-unahang crematorium at columbarium sa lalawigan at buong rehiyon ng Mimaropa.
Ito ay matapos na isagawa ang seremonya ng groundbreaking na pinangunahan ni City Mayor Arnan C. Panaligan na ginanap sa Brgy. Bayanan 2 sa lungsod na ito kamakailan.
Dahil sa inisyatibo ng isang pribadong korporasyon katuwang ang pamahalaang lungsod, dito na isasagawa ang pag cremate o pagsunog sa katawan at siya na ring paglalagakan ng mga urno na may abo ng yumao, bilang alternatibong lugar sa sementeryo na mas makakatipid kaysa normal na pagpapalibing.
Nagpahayag ng suporta si Panaligan sa proyektong ito na aniya “noong unang panahon ang mga lokal na pamahalaan ang nangangasiwa sa paghahanap ng mga lupa na maaring gawing sementeryo at kailangan pa itong puhunanan ng malaki. Ngayon, ako ay natutuwa dahil may mga pribadong kumpanya ang handang tumugon para magtayo ng ganitong pasilidad sa ating lungsod lalo ngayong panahon ng pandemya.”
Ang proyekto ay pamumunuan ng Eternal Embrace Development Corp. sa pamamagitan ng Chairman of the Board nito at negosyanteng si Dexter Fesalbon Ortega, CPA na tubong bayan ng Baco at Pangulo na si Engr. Eduardo Lim. (DPCN/PIA-OrMin/CalapanLGU)
