Crackdown sa mga driver na walang lisensya at rehistrasyon ng motor, sisimulan sa Dec. 14

Ayon sa panayam ng Palawan News kay Richard Ligad, ang pinunong tagapangasiwa ng City Traffic Management Office (CTMO) ng pamahalaang lungsod, uumpisahan na nila ang paghihigpit ng mga motorsiklo sa lansangan para masiguro hindi lamang ang kaligtasan ng mga commuters kundi maging sila rin.  

File photo

Uumpisahan na ng pamahalaang lungsod ng Puerto Princesa ang crackdown sa mga motorsiklo na walang rehistrasyon at plaka, may mga maiingay na tambutso, at ang mga driver ay walang lisensya sa Lunes, December 14.

Ayon sa panayam ng Palawan News kay Richard Ligad, ang pinunong tagapangasiwa ng City Traffic Management Office (CTMO) ng pamahalaang lungsod, uumpisahan na nila ang paghihigpit ng mga motorsiklo sa lansangan para masiguro hindi lamang ang kaligtasan ng mga commuters kundi maging sila rin.

Ayon kay Ligad, ang hakbang ay may layunin na maiwasan din ang mataas na bilang ng mga aksidente at krimen na ang marami sa isinasangkot ay mga rider.

“Ang 82% ng mga vehicular accident sa mga kalsada ang mga involve ay mga motorsiklo din. Ikalawa, malaking porsyento din sa mga nangyayaring krimen, base sa mga reklamo, ang involve ay motorsiklo. Tapos, dumarami ang tumatakbong mga motorsiklo na walang plaka, walang mga pagkakilanlan ang mga motorsiklo,” saad niya, araw ng Linggo.

Ipinaliwanag ni Ligad na nauunawaan niya na ang Land Transportation Office (LTO) ay wala pang nare-release na plaka para sa maraming bilang ng motorsiklo, ngunit hindi ito nangangahulugan na wala na silang maikakabit na puwedeng pagkakakilanlan sa kanilang sasakyan.

Idinagdag pa niya na ang gagawing paghihigpit ay hindi “diskriminasyon” kundi pagpapahalaga sa kaligtasan ng mga mamamayan ng lungsod.

“Meron namang mga temporary plate na puwedeng ikabit galing sa mga kumpanya kung saan mo nabili ang mga motorsiklo, importante kasi yon, bilang pagkakakilanlan ng mga motorsiklo kung saka-sakali,” pahayag ni Ligad.

“Hindi natin pini-personal o bina-bash yong mga motorcycle-owner dahil ako ay nagmamay-ari din ng motor. Ang tinitingnan natin dito ay kaligtasan natin, ng mga mahal natin sa buhay, kaligtasan ng lahat,” dagdag niya.

Aniya, maghihigpit din ang CTMO sa mga motorcycle driver na walang helmet at mga motor na mayroong muffler pipes na lumilikha ng sobrang ingay o noise pollution.

Bilang owner ng motorsiklo, mayroong responsibilidad ang mga ito na panatilihin ang kaligtasan ng mga residente.

Sabi niya, hindi dapat nagmamaneho ng motor ang mga walang lisensya o kahit may lisensya ay nakainom naman.

“Ang kailangan lang natin ipaintindi sa mga tao na dapat maging responsableng driver tayo. Kailangang mayroon tayong helmet. Kapag mananakay ka ng motor, unang una, dapat mayroon kang lisensya. ‘Wag kang magmamaneho ng lasing, wag kang nagmamaneho na nakaka-istorbo ka ng kapwa mo, yong mga naglalagay ng muffler pipe,” paalala ni Ligad.

Matatandaan na itong mga nakalipas na linggo, sunod-sunod ang mga Facebook post ng umano ay ilang mga biktima ng pangha-harass sa mga kalsada sa bahaging norte ng lungsod, na ang sinasabing may gawa ay mga naka-motorsiklo.

Pahayag niya, bagama’t wala pang kumpirmasyon ang Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) kung may katotohanan nga ba ang mga nasabing kumakalat sa social media, kinakailangan na ng tulong ng mga barangay.

Kung kinakailangan na maglagay ng mga checkpoint sa ilang mga lugar, tulad ng bandang Magarwak kung saan nagaganap ang ilang mga insidente, ay pag-iisipan itong gawin.

“Hindi natin maaring tanggalin sa bayan ang Anti-Crime Task Force (ACTF) at ilagay doon sa kahabaan ng norte o sur. Ang kailangan na natin ay ang tulong ng mga barangay. Siguro hihiling tayo na magkaroon ng checkpoint dito sa Sta. Lourdes, na ang authorize lang naman na maglagay ng checkpoint ay ang PNP,” paliwanag niya.

Kaugnay nito, sinabi din ni Ligad na hindi nagpapabaya ang mga barangay security force (tanod) sa mga sa kanilang lugar at alam ng mga ito ang kanilang mga responsibilidad.”

 

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry