Ang bagong port operations building (POB) ng bayan ng Coron. | Larawan mula sa Philippine Ports Authority.

Binuksan na ng Philippine Ports Authority (PPA) sa bayan ng Coron noong Miyerkules ang bago nitong port operations building (POB) sa Brgy. Tagumpay na handang-handa na sa pagtanggap ng mas marami pang pasahero.

Ang POB ay pinondohan ng Department of Transportation (DOTr) sa pakikipagtulungan ng PPA Coron at ng lokal na pamahalaan.

Ayon sa PPA, mula sa lumang POB na mayroon lamang nasa tinatayang 250 passenger capacity, ang bagong kapasidad ngayon ay aabot na sa hanggang 500, at kaya pang mag-extend hanggang 700-900 na pasahero kung peak season.

Ang bagong POB ay kumpleto sa iba’t ibang pasilidad katulad ng all gender restroom at breastfeeding station. Kulay puti at asul naman ang mga pangunahing kulay na napili para sa mga disenyo, kabilang na ang building walls, habang napapaligiran ito ng mga salamin mula sa dating iba-ibang mga kulay para sa mga upuan ng pasahero.

Larawan mula sa Philippine Ports Authority.

Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, ang Coron POB ay isa sa mga maipagmamalaki nila, lalo na ngayong nagsimula na ang peak season ng mga turista sa Palawan.

“This will not only bring tourism and trade to the surrounding provinces of Palawan, but this will also bring connectivity and mobility to the people and tourists of Palawan,” sabi ni Santiago.

Ayon pa sa kaniya, bukod sa konstruksyon ng back up area na 5,000 square meters, nasimulan na rin ang gawain sa karagdagang 51 meter wharf na may dalawang roll on, roll off (RORO) ramps.

Samantala, ayon naman kay PPA PMO Palawan Port Manager Elizalde Ulson, napapanahon ang pagkakagawa ng bagong POB dahil nagkakaubusan na ng mga flights papuntang Coron. Ang pinakamadaling paraan ng pagbiyahe patungo sa isla ay sa pamamagitan ng mga barko.

“Sa totoo lang, base sa mga pasahero naririnig natin sa kanila na mas convenient na ngayon kasi hindi na sila mababasa kapag naulan at world class na rin mismo yung pasilidad dahil mula sa pantalan may view ka na,” sabi ni Ulson.

Aniya, mula sa Coron port, nagsisilbi itong gateway sa mga pinakamalalapit na tourist sites katulad ng Barracuda Lake, Twin Lagoon, at Kayangan Lake, na magtatagal lamang ng mahigit 30 minuto.

Sa pahayag pa ni Santiago, ito ay bahagi ng #TatloSaMarso na mga proyekto ng PPA bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga pasahero sa Semana Santa.

“Ito na po yung pangalawang proyekto na pinasinayaan natin ngayong Marso, ang susunod na po ay ang pinakamalaking passenger terminal building sa buong bansa sa Port Of Calapan sa Oriental Mindoro, tuloy-tuloy po tayo para sa ika-giginhawa ng mga gumagamit ng pantalan”, dagdag pa ni Santiago.

Ang bagong POB na ito ay isang “welcome development” naman para kay Coron town mayor Marjo Reyes dahil malaki ang maitutulong nito sa napipintong pagtaas ng bilang ng mga dadayong turista ngayong tag-init.

“This new POB is a symbol of our government’s commitment and strong support to Coron’s bid for tourism destination and commerce. This is an answer to the increasing number of our tourist arrivals, particularly the hike in the number of cruise ship arrivals,” ayon kay Reyes.

“Bukas po ang aking tanggapan, sa ano mang tulong na maaari nating maiparating, upang higit na mas maging mapaganda at epektibong makapag bigay ng serbisyo itong ating bagong terminal,” dagdag pa niya.

About Post Author

Previous articleTulfo files bill seeking security monitoring inside prison cells
Next articleProVet magsasagawa ng anti-rabies vaccination drive ngayong araw
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.