Makikita sa larawan ang katawan ng biktima na si Porfelio Saldevia kung saan ito nasaksak, Sabado ng gabi, sa Barangay San Pedro, Puerto Princesa City. // Image courtesy of City Police Station 1 via Pssg. Ceasar Falcunaya

Patay ang isang construction worker matapos masaksak, Sabado ng gabi, ng kanyang kasamahan sa trabaho sa Purok Silangan sa Barangay San Pedro, Puerto Princesa City.

Kinilala ang biktima na si Porfelio Saldevia samantalang ang suspek ay nakilalang si Bryan Tanes Elefane, residente ng Malatgao, Quezon, Palawan.

Ayon sa imbestigador ng kaso na si P/SSg. Ceasar Falcunaya, nag-iinuman ang suspek kasama ang ilang mga kaibigan malapit sa gate ng kanilang barracks ng dumating si Saldevia at ilang mga kaibigan din. Nagkaroon aniya nang pagtatalo sa pagitan ng dalawang grupo na nauwi sa gulo at suntukan.

Ayon kay Falcunaya, noong una ay umaawat si Elefane sa nagkakaroon nang argumento sa pagitan ng dalawang grupo. Pero nasuntok ang suspek ng isang miyembro ng grupo ni Saldevia.

“Allegedly ang suspek nauna nang nag-iinuman doon malapit sa harap ng gate ng barracks nila. Nang dumating ang biktima, may dala din na mga kaibigan. Pagdating doon, ang isa sa kaibigan niya ay nagkaroon ng argument sa isa namang kaibigan ng suspek. Itong suspek, inaawat niya itong nag-aaway na dalawa,” sabi ni Falcunaya.

“Kaya lang sa pag-awat niya rin mas napasama pa siya. Mas napainit, kasi sinuntok siya. Ngayon, pagsuntok sa kanya, yong hawak-hawak na kahoy noong nanuntok sa kanya ay naagaw niya at ipinalo doon sa nanuntok sa kanya na kaibigan ng biktima,” dagdag niya.

Sabi pa ni Falcunaya, nagtakbuhan ang grupo ni Saldevia pero bumalik sa lugar ng pinangyarihan nang unang gulo na may dala ng kutsilyo.

Muli ay nagkagulo ang dalawang grupo, nagkaroon ng komosyon, at nagkahabulan. Dinumog ng grupo ng biktima si Elefane na meron ding dalang panaksak.

“Yon, biglang naghabulan. Hinabol ng grupo ng biktima ang suspek hanggang sa maabutan nila. Natumba ito, allegedly ayon nga, nagkaroon siguro ng suntukan. Syempre ang iniisip ng suspek ay baka masaksak din siya, sinaksak niya na rin kung sino ang puwedeng tamaan sa mga dumumog sa kanya,” sabi ni Falcunaya.

Previous articleStudents of Pajo Elementary School receive school supplies from RTN
Next articleDOT guidelines issued for recreational diving under ‘new normal’
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.