Construction ng tulay para sa mga katutubo sa Española nakatakda nang simulan

Ang mga materyales na gagamitin sa Abukayan Bridge sa Panitian, S.Española.|| Larawan mula kay Toto Gatungay facebook account

Sisimulan na ngayong buwan ng Hunyo ang construction ng tulay sa Sitio Abukayan sa Barangay Panitian, bayan ng Sofronio Española.

Ayon kay Punong Barangay Toto Gatungay, inihatid na nitong unang linggo ng buwan ang lahat ng mga materyales para sa Abukayan Bridge Project katulad ng mga bakal at semento upang masimulan na ang proyekto na pangangasiwaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) 2nd District Engineering Office.

Dagdag pa ni Gatungay, mapalad ang kaniyang barangay na napasama at napili ito para sa mga proyektong tulay ng Office of the President sa ilalim ng programang “Tulay ng Pangulo para sa kaunlaran Project.”

“Malaking tulay ito at malaking tulong sa community namin dito sa malayong sitio ng aking barangay. Sa pamamagitan nito ay maitatawid na ng mga residente ang kanilang mga produkto sa kapatagan,” aniya.

Ang naturang tulay ay magdudugtong sa dalawang remote areas mula sa sitio Abukayan hanggang sa Sitio Bidang.

“IP community ang pangunahing makikinabang sa tulay na ito. Hindi na sila mahihirapang tumawid pa sa ilog upang madala lang nga kanilang mga produkto. Kung may motor sila ay hindi na mahirap makatawid dahil may access bridge na na magdudugtong sa ating dalawang IP communities,” dagdag ni Gatungay.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry