SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan – Maglalagay ng isolation polling place ang tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) sa bayang ito sa lahat ng mga voting centers sa araw ng plebisito sa Marso 13 bilang bahagi ng pagsunod sa health protocols kaugnay sa banta ng COVID-19.
Sa panayam ng Palawan News kay Alpha Sobrepeña, ang siyang municipal election officer, nitong Huwebes (Pebrero 11) ay 12 isolation polling places ang kanilang ilalagay sa lahat ng kanilang magiging voting centers sa siyam na barangay.
“We have 12 voting centers at maglalagay tayo ng 12 isolation polling places. Tigdalawang staff ng COMELEC ang ilalagay natin dito, sila ang mag-a-assist sa mga botanteng may mataas na temperatura o higher than 37.4 or above,” pahayag ni Sobrepeña.
“Halimbawang papasok sila ng presinto nila at nakitang medyo may mataas na temperatura, sa isolation na po sila pabubutohin,” dagdag niya.
Paliwanag pa niya, makakaboto pa rin naman ang mga botanteng makikitaan ng mataas na temperatura, ngunit tanungin kung bakit ito ay mataas.
“Dadalhin ng staff ang kanilang balota sa isolation polling place ng presinto kung saan sila rehistrado para doon bumoto. Maximum of five chairs ang sa loob, pero hoping tayo na sana wala naman. Kahandaan lang ito ng ating tanggapan,” paliwanag niya.
Ipinaalaala rin ni Sobrepeña, sa kabuoan ang pagsuot ng face mask sa araw ng plebisito at pagkatapos bumoto ay agad ng umuwi upang maiwasan ang overcrowding sa mga voting centers.
