(PN File)

Hinihintay pa ng tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) sa Sofronio Española ang access code mula sa national office nito sa Metro Manila, upang makapag-imprenta ng Precinct Computerized Voters List (PCVL) ng bayan, bilang bahagi ng paghahanda para sa nalalapit na May 9 national and local elections.

Ayon kay Maria Lourdes Carolasan, assistant election officer II, inaayos pa ng Information Technology Department (ITD) ng COMELEC ang naturang mga access code kaya hindi pa sila makapag-print ng PCVL. Dagdag niya, ilang kandidato na ng bayan ang tumungo sa kanilang tanggapan upang humingi ng kopya nito ngunit wala pa silang maibigay.

“This week ay baka maayos na at makapag-print na tayo ng PCVL. Under our new guidelines, nagbago din ang singil doon sa mga gustong kumuha ng kopya ng PCVL,” pahayag ni Carolasan, Enero 19.

Sa huling talaan na inilabas ng COMELEC, ang bayan ng Sofronio Española ay may kabuuang 22,675 registered voters.

- Advertisement -

Ayon pa kay Carolasan, maliban sa pag-imprenta ng PCVL ay pinaghahandaan na rin ng COMELEC-Española ang examination ng mga mapipiling DepEd Supervising Official (DESO) at Technical Support Staff na ilalagay sa 10 clustered precincts ng bayan para sa darating na halalan.

“Ito na lang ang inaayos namin. Ang iba pang mga paghahanda, depende sa mga ipapagawa pa ng higher office,” paliwanag niya.

Samantala, bilang bahari rin ng reshuffling ng mga election officer (EO) para sa May 9 elections ay nagsimula nang manungkulan bilang officer-in-charge ng COMELEC-Española si Ferndinand Bermejo, ang EO ng bayan ng Aborlan, noong araw ng Martes, Enero 18.

Ang EO naman ng Española na si Alpha Española ay pansamantalang nalipat sa bayan ng Bataraza.

“Ito ay under sa directive ng COMELEC at part ng reshuffling ng lahat ng EO every election,” ani Carolasan.

Previous articleOPA says Typhoon Odette left P3 billion damages to agriculture
Next articleDugong stuck in fish cage saved by residents in Aborlan
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.