Comelec at PNP, ipinatutupad na ang gun ban sa Romblon

Sinabi ni Provincial Election Supervisor Atty. Maria Aurea C. Bo-Bunao (nasa kalaiwa) na mahigpit nang ipinatutupad sa lalawigan ang 2019 election gun ban simula pa noong ika-13 ng Enero hanggang Hunyo 12 sa tulong ng Romblon Police Provincial Office. (Larawan ni Dinnes Manzo/PIA-Romblon)


ROMBLON, Romblon — Sinabi ni Provincial Election Supervisor Atty. Maria Aurea C. Bo-Bunao na mahigpit nang ipinatutupad sa lalawigan ang 2019 election gun ban simula Enero 13 hanggang Hunyo 12 sa tulong ng Romblon Police Provincial Office.

Mahigpit na aniyang ipagbabawal ang pagdadala at pag-iingat o pag-transport ng anumang uri ng baril, explosive devices at mga deadly weapons.

Nilinaw ng Comelec – Romblon na ang mga nakapagsumite ng requirements for gun ban exemption sa kanilang Main Office ay dapat ugaliing bitbitin ang kanilang certificate of authority sa pagdadala ng baril upang maiwasan ang abala.

Kaugnay nito, regular nang naglalatag ng checkpoints ang Philippine National Police (PNP) sa iba’t ibang munisipyo ng Romblon bilang bahagi ng ipatutupad nilang seguridad para sa May 13 National and Local Elections (NLE).

Layunin nang paglalagay ng Comelec checkpoints ay para masabat at makumpiska ang mga baril, pampasabog at iba pang instrumento ng karahasan, na mahigpit na ipinagbabawal sa gun ban.

Aniya, ang sinumang mapatunayang lumabag dito ay maaaring maharap at maparusahan ng election offense.

Ayon pa kay Atty. Bunao, awtomatiko rin na kanselado ang mga inisyung permit to carry firearms outside residence (PTCFOR) kaya’t hindi na maaa­ring magdala ng mga armas sa labas ng tahanan, maliban sa mga mabibigyan ng gun ban exemptions.

Bawal na rin ang paggamit ng mga kandidato ng security personnel at bodyguards maliban na lamang kung binigyan sila ng pahintulot ng Comelec.

Ipinaliwanag din ng bagong Provincial Election Supervisor na gaya ng normal na checkpoint, hindi obligado ang mga motorista na buksan ang kanilang mga sasakyan.

Dapat aniya ay ilatag ito sa maliwanag na lugar, binabantayan ng mga unipormadong pulis at dapat mayroong impormasyong nakapaskil gaya ng contact number at pangalan ng pulis at election officer na in-charge sa lugar.

Dapat din aniyang sundin ng mga awtoridad ang “plain-view doctrine” sa pagsasagawa ng checkpoint.

Batay sa calendar of activities ng Comelec, ang campaign period para sa senatorial aspirants ay magsisimula sa Pebrero 12 habang Marso 30 naman maaaring magsimula ang mga kandidato para sa lokal na halalan. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...