Isang estudyante sa kolehiyo na pinaghihinalaang nagtutulak ng marijuana ang inaresto pasado alas onse ng gabi noong Martes, February 19, sa Purok 13, Barangay Tiniguiban ng mga operatiba ng Philipine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO).
Kinilala lamang ito bilang si “Alyas Jamir” ni Insp. Rey Aron Elona ng PPCPO Station 1.
Sabi niya, nakabili sa college student na nakatakda pa man din na magtapos sa pag-aaral ang kanilang asset ng pakete ng pinaghihinalaang pinatuyong dahon ng marijuana sa isang follow up operation.
Unang nagsagawa ng anti-illegal drug operation ang PDEA Palawan sa Baltan Street sa Barangay San Miguel at mula sa mga pagtatanong ng asset, itinuro si Jamir bilang source ng marijuana.
“Nagsagawa ng buy-bust ang PDEA Palawan sa Baltan St. at nagkaturuan doon hanggang sa naikonekta itong si Jamir na source diumano ng nahuli,” pahayag niya.
Aniya, iniimbestigahan na rin nila kung sino ang mga parokyanong estudyante ni Jamir dahil malapit lang ito sa isang unibersidad at karamihan ng mga “umiiskor” ay mga kabataan.
“Hindi natin inaalis ang angulo na ‘yan kaya nag-iimbestiga tayo kung saan pa nagbebenta itong suspek. Medyo marami kasi ang nakuha natin sa kanya,” sabi pa ni Elona.