(Left photo) Commodore Genito Basilio, commander ng Coast Guard District Palawan. (Right photo) Ang pamilya Mones na nasawi sa aksidente sa Barangay Inagawan Sub, Puerto Princesa City, noong August 30, 2021.

Itinanggi ng pamunuan ng Coast Guard District Palawan (CGDPal) na pinagtatakpan nila at iniimpluwensyahan ang kaso ng kanilang kawani na sangkot sa banggaan ng sasakyan sa Barangay Inagawan Sub noong Lunes, kung saan apat na miyembro ng pamilya Mones ang nasawi.

Nagpaabot din si Commodore Genito Basilio, ang commander ng CGDPal, nang “taos pusong” pakikiramay sa mga pamilya nina Jeffrey at Liezel Mones at dalawa nilang anak dahil sa pangyayari.

Ayon kay Basilio nais rin nilang ipabatid sa publiko na si Petty Officer 1st Class (PO1) Victor Baclagon, ang driver ng sports utility vehicle (SUV) na nakabanggaan ng motorsiklo na minamaneho ni Jeffrey, ay nasa southern Palawan hindi dahil sa may opisyal itong lakad mula sa kanilang ahensya, kundi dahil ito ay may pribado at personal na aktibidad kasama ng pamilya nito.

Maging para sa pamilya ni Baclagon ay nalulungkot din ang CGDPal, ayon pa kay Basilio, dahil ang mga ito ay “labis rin na naapektuhan” sa nangyaring aksidente noong August 30 sa Inagawan Sub.

- Advertisement -

Makikita sa larawan si PO1 Victor Baclagon matapos itong kuhanan ng mugshot noong August 30, 2021, sa City Police Station 2. Nahaharap siya sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide and damage to property. (Contributed photo)

“Nais pong ipaabot ng Coast Guard District Palawan ang taus pusong pakikiramay sa pamilya ng mga nasawi sa naganap na aksidente sa Inagawan kung saan isa po sa aming kawani ang nasasangkot. Lubos din po kaming nalulungkot para sa panig ni PO1 Baclagon at ng kanyang pamilya na labis din namang naapektuhan sa nangyaring aksidente,” pahayag ni Basilio sa statement na ipinadala ng tanggapan nito sa Palawan News.

“Sa pangyayari pong ito ay walang anumang pagtatakip at pagiimpluwensiya sa kasalukuyang kaso. Ang Coast Guard [District] Palawan ay lubos na ipinagkakatiwala ang pagresolba sa kaso sa pamunuan ng [pulisya] na may jurisdiction sa pangyayari,” dagdag pahayag nito.

Nilinaw din ni Basilio na si Baclagon ay hindi mataas na opisyales ng Coast Guard, kundi isang pangkaraniwang sundalo na nabigyan ng isang sensitibo at mahalagang posisyon dahil sa ipinamalas nitong kakayahan at pamumuno sa kanyang unit.

Ang naganap na aksidente umano ay hindi inaasahan at hindi kagustuhan ng sino man.

“Isa po siyang modelong kawani ng Philippine Coast Guard (PCG) na sa kasamaang palad ay nasangkot sa aksidenteng ito kasama ng kaniyang pamilya,” pahayag ni Basilio.

“Lahat tayo ay wala sa posisyon na husgahan agad ang mga nasasangkot, hayaan po natin ang ating hustisya ang magbigay ng hatol ukol sa naganap na aksidente dahil ang magkabilang partido ay may kani-kaniyang interes,” ayon sa commander ng CGDPal.

Ani Basilio, naiintindihan nila ang nararamdaman ng pamilya sa paghingi ng karampatang danyos at hustisya, samantalang sa panig naman ni Baclayon ay kapanatagan ng sariling pamilya at kagustuhan na maipabatid sa lahat na ang nangyari ay aksidente na hindi nito ginusto.

Dapat magtiwala umano sa hustisya at sa kakayahan ng mga tagapagpatupad ng batas na malaman ang katotohanan bago ang pagpapahayag ng sari-saring opinyon.

“Panawagan po namin sa ating publiko na iwasan po sana natin ang mga pahayag at walang basehan na komento na labis lang pong nakakaapekto sa damdamin ng mga kaanak ng nasawi at labis din pong nakasisira sa reputasyon ng isang tao at ng kaniyang pamilya sa kabila na ang nasabing kaso ay wala pang resulta,” pahayag niya.

“Magtiwala po tayo sa ating hustisya at sa kakayahan ng ating mga tagapagpatupad ng batas,” ayon kay Basilio.

Si Baclagon ay nahaharap ngayon sa kasong kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide and damage to property.

Previous articleNat’l ID accepted in all BIR transactions
Next article3.01M doses of Sinovac, Sputnik vax arrive Tuesday
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.