SAN VICENTE, Palawan — Nagsagawa ng clearing at declogging operations ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng bayang ito sa kahabahaan ng Ilog Ruyog sa Barangay Kemdeng noong Huwebes, Abril 29, bilang bahagi ng Disaster Preparedness, Prevention and Mitigation Activity.
Layunin ng nasabing aktibidad na mapanatiling maayos ang daloy ng tubig sa ilog at maiwasang masalanta ang mga pananim malapit dito.
Kasamang naglinis ng nasabing ilog ang mga opisyal ng barangay, mga naninirahan malapit sa ilog, at mga mamamayang boluntaryong tumulong.
“Sa pagtutulungan ng MDRRMO at ng Barangay Kemdeng ay nagsagawa tayo ng clearing operation ng mga kahoy at iba pang nakakapaghadlang ng maayos na pagdaloy ng tubig sa ilog na pwedeng maging dahilan ng pagbaha at pag-awas ng ilog. Matagumpay nating nalinis ang lahat ng mga pwedeng maging sagabal,” pahayag ni Orlando Estoya, hepe ng San Vicente MDRRMO
Hinikayat din ni Estoya ang mga residente na malapit sa mga ilog at maging ang buong kumonidad na patuloy na alagaan ang mga ilog upang maiwasan ang pagbaha.
“Panatilihin nating maayos ang daloy ng tubig upang hindi masalanta ang ating mga pananim” pahayag ni Estoya.
“Patuloy nating hinihikayat ang mga taga San Vicente na mahalin at pangalagaan ang ating kalikasan dahil ito din ang magliligtas sa atin pagdating ng mga bagyo at tag-init,” dagdag paliwanag niya.
Aniya, naranasan na ng mga tao ang mabaha kaya laging ipinapaalam sa kanila ang mga sanhi nito at kung ano ang dapat gawin para maiwasan na maulit ang ganitong sakuna.



