File photo from Puerto Princesa City Police Office

Nagsimula nang mag-deploy ng 42 police personnel sa 14 na barangay na may mataas na kaso ng COVID-19 ang Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) na makakatuwang ng mga Covid sheriffs sa pagpapatupad ng modified enhanced community quarantine (MECQ).

Dahil mga barangay lang ang inatasan ng Puerto Princesa City IATF na magkaroon ng mga checkpoints, nakaantabay lang ang PPCPO sa mga susunod na direktiba ng pamahalaang lungsod.

“Maghihintay lang kami kung magre-request na ang city ng checkpoint. Sa ngayon ay maglalagay na lang muna kami ng tatlong pulis doon sa mga barangay na may mataas ang kaso ng Covid,” pahayag ni P/Lt. Col. Mhardie Azares, ang tagapagsalita ng PPCPO.

Kabilang sa mga barangay na nabanggit ni Azares ay ang Bancao-Bancao, San Miguel, San Manuel, San Pedro, Mandaragat, Tiniguiban, Sicsican, San Jose, Bagong Silang, Maunlad, Bagong Sikat, Tagburos, Sta. Monica, at Manggahan.

Ngayong nasa Ilalim ng MECQ ang buong lungsod, sinabi ni Azares na hihigpitan nila ang pagbabantay sa mga barangay na may mataas na kaso.

“Sa mga pulis natin, sisiguraduhin natin na mahigpit na ma-implementa ang mga health protocols katuwang ang mga barangay sheriffs at marshal,” dagdag niya.

Nitong mga nakalipas na pagbabantay ng mga pulis sa kalsada, dahil na din sa humanitarian consideration ay naging maluwag ang mga awtoridad sa marami. Pero sa ngayon, ay sisiguraduhin ng mga pulis na mayroong  mapaparusahan.

“Panahon na para higpitan na talaga, kapag lumabag dapat ticket-an na. Kasi parang naglulukuhan na lang tayo. Ang tagal na natin sa ganitong sitwasyon at kapag patuloy ang maraming matitigas ang ulo ay hindi tayo matatapos. Marami ng nahihirapan,” sabi ni Azares.

Previous articleBagyong Dante binabantayan ng Mimaropa RDRRMC
Next articleNo ‘ayuda’ for PPC residents under MECQ
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.