Hiniling ng City Council sa 66 na barangay sa Puerto Princesa na magtalaga ang mga ito ng impounding area para sa mga galang hayop para labanan ang pagkakaroon ng rabies.
Ito ay sa pamamagitan ng kanilang inaprubahan na Resolution No. 1455-2021 na humihiling sa mga barangay na makipagtulungan sa lokal na pamahalaan dahil limitado lang ang kaya ng City Veterinary Office (CVO) na ilagay sa impounding area nito.
Ayon sa committee report kamakailan ni City Councilor Jimmy Carbonnel, chairman ng committee on peace and order and public and safety, nalaman nila sa head ng CVO na si Dr. Indira Santiago na nasa nasa 77 aso lang ang kaya ng kasalakuyang impounding area ng syudad at 18 lang ang kanilang tauhan.
Kasabay nito ay inaprubahan rin ang isang resolusyon na humihiling rin sa mga barangay na mahigpit na ipatupad ang City Ordinance No. 816, o ang Puerto Princesa Revised Anti-Rabies Control Ordinance of 2017, at ang Ordinance No. 870 o ordinansa na nagpapataw ng penalty sa mga nagmamay-ari ng mga hayop na pinapayagan at pinababayaan gumala sa pribado at pampubliko na lugar, mga kalsada, at highways.
Bibigyan rin ng konseho ang mga barangay ng kopya ng mga ordinansa hinggil dito .
Matatandaang ilang motor rider groups sa lungsod ang nagpaabot ng reklamo sa City Council hinggil sa mga galang hayop, lalo na ang mga aso na maaaring maging sanhi ng aksidente sa mga kalsada. (MCE,PIA-MIMAROPA)
