Heart attack o acute myocardial infarction ang lumabas na dahilan kung bakit binawian ng buhay ang Chinese national na natagpuan ang katawan sa parking area ng Falcon Crest Hardware Building sa Barangay Tiniguiban sa Puerto Princesa City, bandang 6:30 ng umaga kahapon, Pebrero 14.
Ayon sa tagapagsalita ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) na si P/Lt. Col. Alonso Tabi ngayong araw ng Martes, ito ang sinasabi ng resulta nang post-mortem examination na isinagawa noong Pebrero 14 sa labi ng 67 taong gulang na si Tony Pua Pan, alyas Yin Ching, (hindi Pan Yongqin na ang edad ay 68 tulad ng unang naibigay na impormasyon ng awtoridad).
Sa pahayag ni Tabi, nalaman nila sa post-mortem examination na mayroong Type 2 Diabetes Mellitus si Pan na posibleng naging dahilan nang nangyari dito. Ayon sa dokumento na nakuha ng Palawan News, siya ay nasa state of rigor mortis at may diabetic left foot.

Bagama’t sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya ay may bote diumano ng lason na natagpuan malapit sa katawan ni Pan, sinabi ni Tabi na hindi ito ang lumalabas na dahilan kung bakit siya nasawi. Wala rin umang foul play.
Ayon pa kay Tabi, sa kabila ng rekomendasyon na isailalim ang labi ni Pan sa autopsy para malaman kung ano ang totoong dahilan ng ikinamatay nito, ay tumanggi naman ang kanyang pamilya.
“Nag-waiver na ang pamilya na huwag nang i-autopsy ang bangkay,” pahayag ni Tabi.
Matatandaan na natagpuan ang katawan ni Pan sa labas ng parking area sa harap ng Falcon Crest Hardware Building sa South National Highway ng isang security guard na hindi na pinangalanan.
