Chicken layering project, napapakinabangan na sa San Vicente

Chicken Layering Project

SAN VICENTE, Palawan — Napapakinabangan na ngayon ng tatlong asosasyon sa Barangay Caruray sa bayan na ito ang programang pangkabuhayan na chicken layering na ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan.

Ang programang pangkabuhayan ay ipinagkaloob sa Rural Improvement Club (RIC) ng Sityo Gawid, sa Samahan ng mga Katutubong Tagbanua sa Caruray–Panamin Chapter, at Candamia Chapter ay nagsimula ng produksyon ng itlog noong buwan ng Pebrero mula sa 230 piraso ng ready-to-lay chicken.

Ayon kay Karen B. Andonga ng Livelihood Unit, nasa 95 porsyento ng mga manok ang araw-araw nang nangingitlog, at sa kasalukuyan ay may average production na isa’t kalahating egg tray ang bawat asosasyon kada araw. Ang isang tray ng itlog ay kanilang naibebenta sa halagang P200.

Sa pamamagitan ng programa ay nasusuplayan ng mga naturang asosasyon ang maliliit na tindahan at negosyo tulad ng panaderya na malapit sa kanilang lugar. 

“Instead na bumili ang mga tindahan outside Caruray, sila na ang nagsusuplay. Hindi na kailangan pa [ng taga Sitio Gawid at Candamia] na pumunta sa Roxas at Caruray proper para lang bumili ng itlog,” pahayag ni Andonga. “Mayroon na silang average income daily na P300,” aniya.

Ang kita sa produksyon ng itlog ay inilalaan sa maintenance, pambili ng feeds, bitamina at gamot, labor, operasyon at association shares.

Patuloy naman ang isinasagawang monitoring at pagbibigay ng tulong teknikal ng Pamahalaang Bayan upang masiguro ang paglago ng ipinagkaloob na karagdagang pangkabuhayan sa tatlong asosasyon na binubuo ng mga kababaihan at mga katutubo.

“[Noong Biyernes ay] nagsagawa tayo ng monitoring and visitation para mabigyan natin sila ng guidance and technical assistance,” ani Andonga.

Ilan pa sa mga programang pangkabuhayan na itinataguyod ng lokal na pamahalaan ay ang fish processing sa Sitio Panindigan at banana processing sa Bgy. Sto. Niño.

Ang mga programang ito ay bahagi ng mga interbensyong isinagawa ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente upang maibsan ang naging epekto ng pandemya sa kabuhayan ng mga residente.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry