Ang programang chicken layering ay napapakinabangan na ng mga kababaihan at katutubo ng Barangay Caruray | Photo courtesy of ICS San Vicente

SAN VICENTE, Palawan — Napapakinabangan na ng mga kababaihan at katutubo ng Barangay Caruray ang programang pangkabuhayan partikular ang chicken layering na ipinagkaloob ng pamahalaang bayan dito.

Buwan ng Pebrero taong kasalukuyan ay nagsisimula na silang kumita mula sa produksyon ng mga itlog. Sa isinagawang monitoring ng Mayor’s Office Livelihood Team kamakailan, ang bawat asosasyon ay nakapagha-harvest na ng humigit kumulang 63 itlog kada araw.

- Advertisement -

Ang chicken layering ay isa sa mga programang itinataguyod sa ilalim ng Gender and Development ng pamahalaang bayan ng San Vicente.

Naging benepisyaryo ng programang ito ang Rural Improvement Club ng Sitio Gawid at Samahan ng mga Katutubong Tagbanua sa Caruray – Panamin at Candamia Chapter.

Ayon sa livelihood team, makikitaan ng “best practice” pagdating sa maayos na pamamahala ng kita ang asosasyon ng Candamia dahil sa pagsunod nito sa “box saving” na itinuro sa kanila kasabay ng pagsasanay sa pangangasiwa ng naturang kabuhayan.

Sa pamamaraang ito ay ibinubukod ang kita sa iba’t ibang bahagi at pagkakagastusan tulad ng association share, vitamins and medicines, feeds at labor and maintenance. Mainam ang pamamaraang ito lalo’t walang bangko na pwedeng paglagakan ng kanilang kinikita.

Tinatayang nasa P15, 000 na ang kinikita ng bawat asosasyon kada buwan kung saan, nasa P8,000 hanggang P9,000 dito ang kanilang buwanang tubo na malaking bagay bilang karagdagang pagkakakitaan ng mga benepisyaryo.

Nakakapagsagawa na rin ng lending ang asosasyon ng Gawid dahil sa programa.

Patuloy din ang ibinibigay na tulong teknikal ng pamahalaang bayan upang masiguro ang tagumpay ng programa.

Inaasahan na sa susunod na taon ay madaragdagan pa ang kanilang mga tinanggap na ready-to-lay chickens para sa patuloy na paglago ng kanilang negosyo.

Kaugnay nito, nakatakda ring makatanggap ng kaparehong programa ang Kemdeng Women’s Association kung saan, 100 piraso ng ready-to-lay chicken ang ipagkakaloob sa buwan ng Agosto. Bago ipagkaloob ang mga manok ay sasailalim sa pagsasanay at magtatayo ng kulungan ng mga manok ang mga miyembro ng asosasyon.

“During the pandemic nakita ng LGu na dapat mabigyan ng pansin ang pangmatagalang pangkabuhayan lalo na ng mga vulnerable sector, upang magkaroon ng independent and additional income na direkta ang pakinabang ng community and at the same time tinuturuan natin sila maging empowered na sila mismo ang ngpapatakbo ng kanilang livelihood,” pahayag ni Karen Andonga, isang staff ng Mayor’s office.

Previous articleDalawang APOR mula sa Maynila nagpositibo sa antigen sa bayan ng Española
Next articleHumid day for Monday’s forecast
is the correspondent of Palawan News in San Vicente, Palawan. He also covers politics, government policies, tourism, health and sports. His has interest in travelling and exploring different places and food.