Itinanghal na kampeon ang Capitol Football Club ng pamahalaang panlalawigan ng Palawan sa 1st Sangguniang Kabataan (SK) Fed Men’s Invitational 8 A Side Football Tournament na isinagawa nitong nakalipas na Disyembre 10-11 sa Sofronio Española Football Field.

Naging mainit ang championship game sa pagitan ng Capitol Football Club at ng Aripuros Football Club mula sa lungsod ng Puerto Princesa. Nagwagi ang football players ng kapitolyo sa score na 2-1 on penalty shoot out kontra sa kalaban nito.

Ang Capitol Football Club ay binubuo ng 12 mga manlalaro na pawang mga empleyado mula sa Office of the Governor, PSWDO, CELP, E-Governance Program at Provincial Administrator’s Office. Ang grupo ay pinamumunuan ni Provincial Gender and Development (GAD) Head Richard Winston Socrates kasama sina Coach Oliver Oliva at Asst. Coach Roque Dela Peña na kapwa player din ng grupo.

Nakamit naman ng Aripuros Football Club ang 1st runner up habang 2nd runner up ang Real Bastek Football Club mula rin sa Puerto Princesa City at 3rd runner up naman ang Ipilan Football Club mula sa munisipyo ng Brooke’s Point.

Ang football tournament ay bahagi ng SPORTSFEST 2022 ‘Rivals for a Day, Mates for Life’ na sports activity program ng Sangguniang Kabataan sa Bgy. Pulot Center, Sofronio Española na pinamumunuan ni SK Federation Chairman John Lester Dela Torre.

Ang paglahok ng mga ito sa football tournament sa bayan ng Española ay ang ikatlong pagkakataon na ng grupo na sumali sa mga katulad na sports activities sa lalawigan ngayong taon. Una na rito ay ang pagsali sa Baragatan Festival Futsal Tournament at ang ikalawa naman ay sa Brooke’s Point Futsal Tournament kung saan nakuha ng mga ito ang 2nd runner up.

Previous articleIUCN Restoration Barometer documents extensive ecosystem restoration across 18 countries
Next articleDTI MIMAROPA receives Excellence in Digital Ecosystem Innovation Award