Isang call center agent ang natagpuang patay sa loob ng kanyang tinutuluyang kuwarto sa Purok Trese sa Baranggay Tiniguiban, 8:30 ng gabi ng December 28.
Kinilala ang namatay na si Francis Palatino Arzaga, 24 taong gulang, binata. Nasa decomposition stage na ang katawan nito nang makita sa kanyang kuwarto, ayon sa imbestigador.
Sa panayam ng Palawan News sa imbestigador ng Puerto Princesa City Police Station 2 na si P/SSgt. Ferdinand Llaniguez, wala umanong indikasyon sa loob ng kuwarto nito na may naganap na kaguluhan.
“Nakahiga lang siya sa sleeping mat n’ya (banig), tapos nasa loob lang siya ng kulambo. Wala namang nakitang magulo sa area,” pahayag ni Llaniguez.
Huling nakita si Arzaga ng anak ng may-ari ng tinutuluyan nitong bahay noong December 26 ng umaga. ‘Yon din dapat ang unang araw ng pasok nito sa trabaho matapos ang holiday off ng 24 at 25 ng December.
Matapos ang magtatatlong araw ng pagliban sa trabaho, December 28 ng gabi ay binisita ito ng katrabaho, kung saan sa makailang beses at matagal siyang tinawag sa labas ng kwarto. At ng hindi nga ito sumagot sa kanilang tawag ay puwersahan nang binuksan ang pintuan at doon na nga tumambad ang nag-uumpisa nang maagnas nitong katawan.
“Nakausap ko ang supervisor, wala siyang pasok ng 24 at 25, pero 26 dapat may pasok na siya,” ani Llaniguez.
“Yung mga kaibigan niya, 24 pa siya huling nakita at ‘yung isang officemate niya, 25 siya huling nakita. ‘Yung anak naman ng may-ari ng boarding house, 26 ng umaga siya nakita,” dagdag niya.
Ayon pa sa pulisya, bagamat natural death ang nakikitang sanhi ng kamatayan ay isasailalim pa rin ang bangkay sa post mortem examination.