BOAC, Marinduque – Simula ngayong unang linggo ng Agosto ay nagkaroon ng mga inihandang mga gawain ang Marinduque State College (MSC) Sentro ng Wika at Kultura kaagapay ang MSC Kalinangan at Sining (MSCCA) para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa.

Nang nakaraang Agosto 4, nagkaroon ng “Retooling para sa Graduate Diploma in Cultural Education” bilang paghahanda sa pagbubukas ng Level 2 sa Marinduque kasama ang National Commission for Culture and the Arts at Philippine Cultural Education Program. 
 
Magkakaroon din ng streaming ang Midyear na batch ng Jisho to Chizu tampok ang mga target ng mga bayan ng Boac at Torrijos sa cultural mapping sa Agosto 7 sa pamamagitan ng Facebook at Youtube live ng MSCCA TV. Magkakaroon din ng 2nd follow-up visit ang bayan ng Mogpog para sa kanilang tinatapos na Local Culture Profile sa Agosto 9 at 10 sa MSC Extramural Study Center Brgy. Capayang, Mogpog, Marinduque. Abangan din ang panayam sa mga Book Nook Coordinators ng National Book Development Board sa Agosto 12 ay magtatalakay ang MSCCA ng tungkol sa regional creative hub sa “Tuklas Dunong dagdag kaalaman sa tanan.”
 
Sa Agosto 19, hindi lamang kaarawan ni Manuel Quezon, ama ng wikang Pambansa kundi inaasahan din ang paglulunsad ng Gasan Local Culture Profile sa Araw ng Gasan. Maging sa huling linggo ng Agosto ay hindi pa tapos ang  mga gawain, kundi simula ng Unang Semestre 2021-22 sa Agosto 23 ang unang araw ng bagong semestre.
 
Sa Agosto 24 naman ay may panayam ang SWK Direktor sa Unibersidad ng Santo Tomas, kung saan magpapaliwanag siya tungkol sa iba-ibang isla ng Mimaropa at wikang Filipino. Sa huli, mayroon pang lahok ang MSC SWK sa 10th Tayabas Studies Conference mula Agosto 27-29. Aabangan din ang Tertulyang Pangwika sa Agosto 27 tungkol sa mga toponomiya ng mga barangay ng Marinduque.
 
Naglabas na ng kalatas noong Hulyo 15 ang Commission on Higher Education, batay sa Proklamasyon Blg 1041, s. 1997 tungkol sa taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa mula Agosto 1-31. Hinati sa apat na lingguhang tema ang buong buwan na pagdiriwang: Agosto 2-6 – Wikang Katutubo: Tanghalan ng Yaman at Kalinangang Katutubo; Agosto 9-13 – Wikang Katutubo: Wika ng Lahi, Wika ng mga Bayani; Agosto 16-20 – Wikang Filipino: Bigkis ng Magkakalayong Pulo at Agosto 23-31 – Mga Wikang Katutubo sa Pagbubuo ng Pambansang Panitikan.
 
Ang tema ngayong taon, “Wikang Filipino Tungo sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Filipino” ay akma sa 500 taon ng tagumpay sa Labanan ng Maktan at pagsisimula ng Kristyanismo sa kapuluan. Samantala ang MSC SWK ang rehiyonal na sangay ng Komisyon ng Wikang Filipino kasama ng MSC Culture and the Arts (MSCCA) na nagtataguyod ng mga gawain ng NCCA sa lalawigan ng Marinduque maging sa rehiyong Mimaropa.

Previous articleRCBC eyes setting up SME satellite office in Palawan
Next articleMagsasaka inaresto dahil sa iligal na pagsusugal