Ipinagdiwang ng fisherfolks association ng bayan ng Busuanga, sa pakikipagtulungan ng Municipal Agriculture Office (MAO), ang Buwan ng Magsasaka at Mangingisda, araw ng Biyernes, Hunyo 4.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, isinagawa ng MAO ang isang replica-making contest kung saan ibinida ng farmers and fisherfolks association ang kanilang pagiging malikhainsa pamamagitan ng paggawa ng malalaking disenyo ng iba’t-ibang uri ng isda at iba pang buhay-ilang.
Sa panayam ng Palawan News kay Maria Theresa Rabe, municipal agriculturist ng Busuanga, nitong Hunyo 4 ay ipinaliwanag niya na ang aktibidad ay noong buwan pa ng Mayo nakatakda ngunit dahil sa sunod-sunod na mga ipinatupad na community lockdowns sa bayan ay napagkasunduan nilang ngayong buwan na lamang ng Hunyo ito isagawa.
“Naka-display po ang kanilang mga gawa ating Tarabuan dito sa bayan. Ang mga malalaking replika ng mga isda at marami pang iba na nagre-represent ng kanilang kabuhayan bilang magasaka at bilang mangingisda,” pahayag ni Rabe.
“Ginagawa natin ito para at least, mai-showcase ng mga farmers and fisherfolks natin ang kanilang likha na nagpapakita ng pagiging marangal na magsasaka at kahit pandemya ay nais nating bigyan pa rin sila ng pagkilala sa pamamagitan ng pag-celebrate pa rin ng buwan ng magsasaka at mangingisda dahil malaki talaga ang kahalagahan nila sa ating community,” dagdag ni Rabe.
Ngayong araw ng Sabado ay pipiliin ng lokal na pamahalaan ang limang mananalo sa paligsahan ng pagandahan ng replika o likha mula sa labing-anim na display at tatanggap ito ng premyo na makakatulong sa kanilang asosasyon habang ang hindi mapipili ay makakatangap pa rin ng gantimpala.
Ang buwan ng magsasaka at mangingisda ay ipinagdiriwang sa bansa tuwing buwan ng Mayo alinsunod sa Presidential Proclamation no. 393 series of 1989, bilang pagkilala sa kontribusyon ng mga bayani sa bukid at palaisdaan upang magtaguyod ng kasapatan sa pagkain ng bawat Pilipino.



