Ang mga katutubo habang sumasayaw sa pagdiriwang ng Buwan ng katutubong Pilipino sa Pulot Interior, Sofronio Española. (Larawan mula kay Mymona Kasim)

SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Ipinagdiwang ng mga katutubong Pala’wan sa isang komunidad ng Sitio Sincab sa Barangay Pulot Interior sa bayan na ito ang Buwan ng Katutubong Pilipino sa pamamagitan ng isang programa na inihanda ng Sincab Elementary School (SES), noong araw ng Huwebes, October 28.

Ang pagdiriwang ay isinagawa bilang bahagi nang pangangalaga at pagbibigay halaga sa kultura at tradisyon ng mga katutubo na naging malaking bahagi ng paaralan kung saan, karamihan sa mga kabataan sa lugar ay doon nagsimulang mag-aral.

Kabilang sa mga dumalong panauhing pandangal sina Vice Mayor Rona Chou at 2nd District Rep. Cyrille Abueg-Zaldivar.

- Advertisement -

Bilang bahagi ng programa, nagpamalas ng iba-ibang katutubong sayaw ang mga magulang ng mga mag-aaral.

Ayon kay Mymona Kasim, teacher-in-charge (TIC) ng SES, naghanda ang paaralan katuwang ang komunidad at mga lider katutubo ng isang simpleng pagdiriwang upang bigyang kahalagahan ang kanilang pangkat katutubo sa komunidad kaugnay sa pagdiriwang ng buwan ng katutubong Pilipino.

“Bilang TIC sa SES ang pagdiriwang ng Buwan ng katutubong Pilipino ay sumasagisag sa pagkilala at paggalang sa katutubong kultura at paniniwala, pagtaguyod sa IP Education at pagpapaigting ng mabuting ugnayan ng eskwelahan at katutubong pamayanan”, pahayag ni Kasim.

Sa pamamagitan rin mga ipinamalas na aktibidad sa pagdiriwang, naipakita na ang katutubong kultura ay mayaman na pinahahalagahan, isinusulong at ipinagmamalaki ng paaralan kaya ito ay binigyan ng pagkilala,” dagdag niya.

Binigyang pansin naman ng ilang lider-katutubo ang pagpapahalaga sa kanilang mga karapatan na nakapaloob sa Republic Act (RA) 8371 o ang Indigenous Peoples Rights Act of 1997 (IPRA Law), at ang pagbibigay halaga ng SES sa mga katutubong magulang na patuloy na nagpapakita ng magandang suporta sa pagtataguyod ng kalidad na edukasyon para sa kanilang mga anak.

“Ang matagumpay at masayang pagdiriwang namin ng Buwan ng Katutubo sa paaralan ay tanda po na maganda ang ugnayan ng paaralan at katutubong pamayanan sapagkat ito po ay bunga ng malakas na suporta ng mga magulang, iba pang community stakeholders (chieftain & LGU) at ng mga community elders”, ani Kasim.

Paliwanag ni Kasim, patuloy ang hangarin ng kanilang paaralan sa mga katutubong nakapaligid dito na isulong at pangalagaan ang kultura, tradisyon at paniniwala ng mga katutubo sa kanilang komunidad.

Bilang karagdagang suporta ng paaralan ay idadagdag sa curriculum ang paglalagay ng Indigenous Knowledge Systems and Practices (IKSP) bilang pagpapatupad ng paaralan na linangin ang sariling edukasyon ng mga katutubo na nagsisimula mismo sa kanilang tahanan.

Ang pagdiriwang ng Buwan ng Katutubong Pilipino ay isinasagawa sa buong bansa tuwing buwan ng Oktubre batay sa Proclamation bilang 1906 noong October 2009, at RA 8371.

Previous articleNPA combatant who died without family’s knowledge given decent burial
Next articleMga magsasagawa ng mass gatherings sa bayan ng Magsaysay, kailangang kumuha ng clearance mula sa pamahalaang bayan
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.