Ang mga risogrpah printing machines na ipinamahagi ng LGU-Busuanga sa mga barangay nito para makatulong sa pag-imprenta ng mga module ng mga mag-aaral. | Larawan mula sa LGU-Busuanga, Palawan

Labinlimang risograph printing machines ang ipinamahagi ng pamahalaang lokal ng Busuanga kamakailan.

Ito ay para sa 14 barangays ng nasabing bayan at isa naman ay para sa tanggapan ng Department of Interior and Local Government (DILG)-Busuanga.

Ang pag-turn over ng mga ito ay pinangunahan nina Mayor Beth Cervantes at Vice-Mayor Elvin Edonga, kasama rin sina Sangguniang Bayan Member John Silver Edonga, SK Federation President Rhoda Aracan, MLGOO Joey Balane, Jr. at DepEd-Busuanga District Supervisor Heidi Garcellano.

Layunin ng proyektong ito na matugunan ang pangangailangan ng mga paaralan sa buong munisipyo sa pag-imprenta ng modules ng mga estudyante.

Magkatuwang naman ang mga barangay, Sangguniang Kabataan at DepEd-Busuanga sa pangangalaga at operasyon ng mga Risograph Printing Machine.

Sa mensahe ni Mayor Cervantes, sinabi nito na patuloy ang suporta ng LGU sa sektor ng edukasyon, lalo na ngayong panahon ng pandemya. Aniya, higit na dapat bigyan ng ibayong atensyon ang pag-aaral ng mga kabataan at huwag maging hadlang ang krisis na ating nararanasan para hindi maipaabot sa mga mag-aaral ang sapat na edukasyon na kailangan nila.

Umaasa naman si Mayor Cervantes na makakatulong nang malaki ang ipinamahaging mga Risograph Printing Machine sa pag-iimprenta ng mga modules ng mga estudyante. (PIA-MIMAROPA, Palawan)

 

 

Previous article10 infra projects sa Puerto Princesa, sisimulan na ang konstruksiyon
Next articleTraining Center to rise in Bataraza