Titiyakin ng pamahalaan ng Busuanga na ang mga eskwelahan nito, mga guro, at estudyante ay magiging handa sa darating na pagbubukas ng “modular class” sa August 24 bagama’t hindi sigurado kung ang ibang malalayong lugar ay makakasabay sa online learning dahil sa problema sa internet connection.
Noong July 14, pinulong ni Mayor Elizabeth Cervantes ng Busuanga ang mga taga-Department of Education (DepEd) sa kanilang bayan, ganoon din ang iba pang education stakeholders upang alamin ang kahandaan na ito.
Bukod dito, pakay rin nang pagpupulong na alamin kung ano ang mga magiging counterpart ng bawat isa sa pagbubukas ng klase.
“Itong pulong natin ay para malaman kung ano ang mga counterpart natin — lalung-lalo na para malaman natin ang mga preparasyon dahil alam nating kailangan nating magtulungan sa LGU (local government unit) kasama ang mga guro at mga kapitan,” pahayag ni Mayor Cervantes.
Ayon sa kanya, may mga available resources o savings ang kanilang munisipyo at pag-aaralan kung paano mare-realign para sa pangangailangan ng pagbubukas ng klase.
Maaaring makadagdag ito sa pangangailangan din ng mga eskwelahan sa Busuanga.
Kapag naipasa ng municipal council ng kanilang bayan ay maaari itong magamit.
“Magre-realign tayo kasama ang pagbili ng mga resographs at ito ay ibibigay sa 14 barangays natin at isa para sa IP (indigenous peoples) village natin para sa mass printing ng ating modules para sa mga estudyanteng magmo-modular sa August 24,” dagdag ni Cervantes.
Hindi natitiyak ni Cervantes na makakasabay ang mga estudyante ng Busuanga para sa online learning dahil may ilang mga remote barangay ang walang access sa internet sa Busuanga.
Aniya pa, hindi rin lahat ng mga estudyante ay may smart phones na magagamit.
“Kaya noong nag-meeting kami, ang mungkahi ko sa DepEd Busuanga natin kung puwede ay ang gagamiting mode sa bayan natin ay module dahil alam ko mahirap talaga ang online learning,” sabi niya.
Sa enrolment status naman na iniulat ng DepEd sa Busuanga matapos ang July 15 na deadline, lumalabas na 97.27 porsyento na sa elementary ang nakapagpatala sa klase.
Aabot naman sa 75.34 porsyento ang sa junior high achool, at 100.68 porsyento naman sa senior high.
Sabi ni Cervantes, makakatiyak ang mga mag-aaral at guro ng suporta ng LGU basta marami ang makakapag-aral kahit pa nananatiling may quarantine.