SAN VICENTE, Palawan – Nakatakdang pasinayaan ng lokal na pamahalaan ang Bunuangin Jungle Trail, isang Community-Based Sustainable Tourism (CBST) site sa Sitio Bunuangin, Barangay Port Barton.
Ang bagong tourism destination ay isang dagdag na atraksyon sa lugar na pinamamahalaan ng samahan ng mga katutubong Tagbanua sa Port Barton.
Ayon sa Office of the Municipal Tourism (OMT), pormal na bubuksan ang naturang atraksyon sa publiko sa oras na matapos ang pagsasaayos ng ilan pang pasilidad at paglalagay ng mga signage sa lugar.

Kabilang sa mga itinatayo ngayon ang isang waiting shed at receiving area para sa mga turista. Nalinis na rin ang trail patungo sa Bunuangin Waterfalls na dating kilala bilang Nikko Falls.
“Bubuksan natin ito at the earliest sa katapusan ng Nobyembre o kaya ay sa first week ng December. Inaantay na lang natin na matapos ang receiving area at saka ‘yung signage. Kapag ito ay natapos na i-open na natin siya sa public,” saad ni municipal tourism officer Lucylyn F. Panagsagan.
Dagdag niya, ilan sa mga aktibidad na maaaring gawin dito ay ang picnic, sightseeing, trekking at pakikipag-ugnayan sa mga katutubo upang matutunan ang kanilang kultura.

Nakapaloob naman sa proyekto ang pagbibigay nang pagsasanay sa tour guiding, financial literacy at iba pa para sa mga miyembro ng samahang Tagbanua upang mapalakas ang kakayahan ng mga ito at masiguro na magiging tuloy-tuloy ang proyekto. Tutulong din umano ang MTO sa promosyon nito.
Ang Bunuangin Jungle Trail ang ikaapat na CBST site sa bayan ng San Vicente. Ang iba pa ay matatagpuan sa New Agutaya, Pamuayan, at Bigaho.
Samantala, bilang bahagi pa rin ng isinasagawang product development, nakatakda ring magsagawa ang MTO ng site assessment at validation sa Mt. Capuas sa Bgy. Binga at makipagpulong sa mga opisyal ng barangay at ng bayan ng Taytay para sa planong pag-develop ng isang trail at camping site doon.
