Bungo at kalansay ng tao, natagpuan sa San Jose


Bungo at hiwa-hiwalay na piraso ng buto ng tao ang natagpuan sa masukal na bahagi ng Sampalok Street sa Barangay San Jose ang natagpuan ng isang residente bandang alas nuebe ng umaga ng Miyerkules.

Kasama rin sa mga nakita ang damit nito at suot na relo.

Ayon sa residenteng si alyas “Rex” na nagbabantay ng backhoe sa kalsada, natagpuan niya ang bungo at kalansay sa masukal na bahagi ng kalsada habang siya ay umihi.

Agad niyang ipinaalam ito sa isang malapit na bahay, ganoon din sa mga opisyales ng San Jose.

“Natinik kasi ako habang naglalakad papasok. Tapos noong kukunin ko na ang tinik sa paa ko, doon ko po napansin ‘yong isang buto. Paglingon ko ulit, sunod-sunod na mga parte ng kalansay hanggang sa nakita ko na ang bungo,” pahayag nito na tumangging ibigay ang buong pangalan.

Sa pahayag ni San Jose chairman Estrella Salvador, wala silang natatanggap na report na mayroong nawawala sa kanilang lugar para pagdudahang ito ang nakitang bungo at kalansay.

Sabi niya, maaaring hindi residente ng kanilang barangay ang natagpuang bungo at kalansay sa Sampalok Street.

“Sa palagay ko hindi ‘yan taga dito sa amin dahil wala naman report na nawawala sa mga kabarangay ko. May mga report man, pero sa kabataan naman ‘yon at nakikita namin agad. Baka tinapon lang yan dito,” pahayag ni Salvador.

Ipinagbigay alam na ni Salvador sa himpilan ng pulisya ang pagkakatagpo sa bungo at kalansay. Ang mga personal epektus naman na nakita ay isusumite para magamit para ma-identify ito.

 

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...